Dixon Import of the Year, Ybañez Finals MVP sa ABL
MANILA, Philippines - Nilagyan ng kinang ang pagkapanalo ng Philippine Patriots sa unang ASEAN Basketball League (ABL) title nang dalawa sa kanilang manlalaro ang nanalo sa ibinigay na individual awards sa seremonyang idinaos sa Garden Hotel sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong nagdaang Martes.
Si Jason Dixon na siyang buhay ng koponan mula nang nagsimulang kumampanya sa ligang nilahukan ng anim na bansa ang hinirang bilang Import of the Year habang ang maliit pero mabanganib na si Warren Ybañez ang lumabas na Finals Most Valuable Player.
Ang 6’10 na si Dixon ay nagtala ng 13.9 puntos at 10.1 rebounds sa kabuuan ng torneo para daigin ang mga nakalaban sa parangal na sina Nakiea Miller ng Satria Muda BritAma at Kyle Jeffers ng Singapore Slingers.
Gumawa nga si Dixon ng 16 na double-double scores at nailabas ang pinakamabangis na laro sa Game Three ng best-of -ive title series laban sa Indonesian team sa ginawang 28 puntos at 12 rebounds.
Si Ybañez naman ay nagpakita ng husay sa playoffs na kung saan winalis ng Patriots ang limang laro sa semifinals at finals.
Bago ang 3-0 sweep sa Satria Muda BritAma ay kumana muna ng 2-0 sweep sa best-of-three semis series ang Patriots sa Kuala Lumpur Dragons.
Si Ybañez ay nagtala ng 5.6 puntos, 4 rebounds at 4.4 assists sa Playoffs.
Si Attaporn Lertmalaiporn naman ang hinirang bilang regular season MVP.
Ang lahat naman ng kasapi ng Patriots ay binigyan din ng gold plated championship ring ni Fernandes bunga ng pagdodomina sa liga.
- Latest
- Trending