MANILA, Philippines - Hindi maaaring mabuo ang boxing career ni Rodel Mayol nang hindi makakasukatan nang husto ang dating kampeon na si Omar Nino ng Mexico.
Walang tumutol sa World Boxing Council (WBC) Board of Governors sa apela ng kampo ni Nino na magsagawa ang dalawang boksingero ng rematch matapos mauwi sa technical draw ang unang pagkikita nila ni Mayol noong Pebrero 27 sa Guadalajara, Mexico.
Sa pamamagitan ng manager na si Hector Garcia ay umapela si Nino sa WBC Board dahil naniniwala itong hindi nakakuha ng patas na desisyon ng gawaran ng technical draw ang tagisan nila ni Mayol na nagdedepensa ng WBC light flyweight title sa unang pagkakataon.
Nagdesisyon si referee Vic Drakulich na illegal punch ang pinakawalang malakas na kaliwa na nagpatumba kay Mayol sa ikatlong round dahil nangyari ito sa puntong pinaaatras niya ang challenger matapos mamilipit sa sakit ang tubong Mandaue City boxer dala ng low blow ni Nino.
Sa desisyon ng WBC board, kinatigan nila ang ibinigay na desisyon sa laban upang mapanatili ni Mayol ang kampeonato ng dibisyon. Pero idinagdag din ng Board ang kautusang rematch na dapat ay kumpirmahin ng dalawang boxers.
Ayon kay WBC president Jose Sulaiman na siyang nagpadala ng kautusan sa kampo nina Mayol at Nino binibigyan lamang ng limang araw ang dalawang kampo para gumawa ng liham kung sasali ba o hindi sa ipinag-uutos na rematch.
Kung hindi papabor si Mayol, idedeklara ng WBC na bakante ang titulo sa light-flyweight division pero kung si Nino ang di pumayag, maghahanap ng bagong challenger ang WBC para siyang sumagupa sa kasalukuyang kampeon.
Pakay sana ni Mayol na idepensa ang titulong inagaw kay Edgar Sosa ng Mexico nang nagkita ang dalawa noong Nobyembre 21, 2009.
Naging kontrobersyal din ang labang ito dahil si Sosa ay naputukan nang magkauntugan sila ni Mayol. Nakuha ni Mayol ang titulo nang araruhin niya ng suntok ang Mexican champion tungo sa second round knockout na panalo. (Angeline Tan)