CLEVELAND--Nakasibilyan lamang si LeBron James, hindi makita si Shaquille O’Neal at nasa locker room si Antawn Jamison dahil sa kanyang namamagang tuhod.
Kung natalo sila, maraming magiging dahilan ang Cleveland Cavaliers.
At kahit isa ay hindi sila gumamit nito. Nagsalpak si Mo Williams ng dalawanq freethrows sa huling siyam na segundo at tiniyak naman ni Delonte West na makukuha ng Cavaliers ang 97-95 panalo kontra San Antonio Spurs.
May 0-9 win-loss record ang Cleveland sapul noong 2007-08 kapag hindi naglalaro si James.
Tumapos si Williams na may 17 marka para sa Cavs, dalawang beses nang naglalaro nang wala ang injured na si James, ang reigning MVP ng NBA na may right ankle injury.
Nagdagdag naman si West ng 16 puntos at gumawa ng mahalagang agaw sa huling minuto ng fourth quarter para sa Cleveland na unang koponang nakapagtala ng 50 panalo ngayong NBA season.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Dallas Mavericks sa Minnesota Timberwolves, 125-112; New York Knicks sa Atlanta Hawks, 99-98; New Orleans Hornet sa Golden State Warriors, 135-131 at Memphis Grizzlies sa New Jersey Nets, 107-101.