DALLAS--Habang papalapag ang Boeing 737 sa Dallas Fort Worth International Airport kagabi, muling sinariwa ni Freddie Roach ang kanyang mga alaala sa Texas.
“Never lost in Texas,” sambit ni Roach, nakaupo sa front row ng eroplanong nagdala kay Manny Pacquiao at sa 140 iba pa kasama ang kanyang pamilya, kaibigan, miyembro ng media buhat sa Los Angeles.
Hindi alintana ni Roach ang kasiyahan at kaingayan sa loob ng eroplano sa naturang dalawang oras at 20 minutong biyahe.
Hindi rin iniintindi ni Roach ang paglalaro ng card game at ang pagpapatakbo ni “Pacman,” ng Jack Russell Terrier.
Nakatutok ang isip ni Roach sa laban ni Pacquiao kay Joshua Clottey.
Iginiya na ni Roach si Pacquiao sa dalawang panalo sa Alamodome sa San Antonio mula sa kanyang 11th round knockout kay Marco Antonio Barrera noong 2003 at ang eighth-round KO kay Jorge Solis noong 2007.
Limang panalo rin ang ibinigay ni Roach kay lightweight Juan Lazcano sa El Paso at inalala ang kanyang panalo kay Delio Palacios sa Rodeo Arena sa Pasadena, Texas noong Marso 21, 1984.
Sinabi ng four-time Trainer of the Year na isa siyang 4-1 underdog nang talunin si Palacios via unanimous decision. Nakasabay naman ni Pacquiao ang kanyang asawang si Jinkee at sinalubong sa tarmac ni Top Rank spinmasters Ricardo Jimenez. (Abac Cordero)