MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang mga batang lansangan na nahilig sa larong football na gumawa ng marka sa isang internasyonal na torneo sa Durban, South Africa.
Binubuo nina Erica Mae Inocencio, Blue Shark Gaerlan, Jayson Simangan, Ladylyn Ampe, Lorelyn Cabayanan, Noriel Pineones, Mario Titoy, Raymond Elona, Roberto Orlandez, Jr. at Gerry Boy Joaquino, ang koponan ay sasali sa 1st Deloitte Street Child World Cup mula Marso 15 hanggang 23.
Si Inocencio ang itinalagang team captain habang si Orlandez ang goalie at si Joaquino ay alternate at sila ay pormal na ipinakilala sa isang press conference kahapon sa Amici sa Makati City at tinawag ngang ‘miracle team’ ang koponan dahil sa maraming blessing na tinanggap nito.
Kasama nga sa milagro ay nang maglabas ng P1 milyong pondo sa Amos Trust upang magamit ng koponan bilang kanilang pamasahe at iba pang gastusin patungong Durban.
Karamihan sa mga batang ito ay kinupkop ni Fr. Rocky Evangelista ng Tuloy sa Don Bosco na siya ring tumulong upang masanay ang mga ito sa larong football.
“Our real advocacy is to lift street children out of poverty and improving their lives and part of the program is to teach them how to play football being a team sport,” wika ni Peter Moran ng Henry Moran Foundation.
Walang malaking ekspektasyon ang inaatang sa mga batang ito kungdi ang magkaroon ng bihirang pagkakataon na makasalamuha ang mga bata mula sa ibang bansa at makapagbigay ng kasiyahan sa pagpapakita ng kanilang kaalaman sa larong ikinokonsidera bilang numero-unong sport sa mundo.
Tumulong din sa koponan sina Miles Rocesat Derek Page ng British Embassy habang ang mga sponsors ay sina Deloitte, Angus Lawson Memorial Trust, Deutsche Bank, the British Chamber of Commerce, Mitre, Whitehouse Scientific, Amos Trust, Bayanihan National Dance Co., Tesoro’s at Amici pizza pasta. (ATan)