Blow By Blow magbabalik ngayong gabi

MANILA, Philippines - Muling magbabalik ang si­kat na boxing show na “Blow By Blow,” sa paglulunsad ng regular primetime programming ng Countryside Associated Television (CAT Network) sa pamamagitan ng isang primer mamayang alas-8 ng gabi.

Ang international boxing manager at promoter na si Lito Mondejar ang siyang magbu­bu­kas ng season ng Blow By Blow sa pamamagitan ng pagbalangkas sa mga boksi­nge­rong naging produkto ng programa tulad ng mga dating World Champions na sina Tacy Macalos, Morris East at Gerry Peñalosa at maging ng Best Pound for Pound Fighter sa ka­salukuyan na si Manny “Pacman” Pacquiao.

Ang Blow By Blow ay nagsimula noong 1975 at naging bahagi ng muling pagyabong ng boxing sa bansa. Si Pacquiao ay isa sa mga discoveries ng Blow By Blow.

Ayon kay Mondejar ay na­ging in-demand ang Filipino fighters dahil sa kasikatan ni Pac­quiao. “Ginawa na ni Manny ang dapat para makilala ang kalidad ng Pilipinong boksingero sa buong mundo. Dapat gumawa na rin tayo ng mga hakbang pa­ra ma-ipagpatuloy ang ating nasimulan. Hanapin na natin ang susunod na Manny Pac­­qiuao bago pa man siya mag­retiro.”

Kasama ni Mondejar sa prog­rama mamaya ang mga International boxing referees na sina Ver Abainza at Ferdie Es­trella na magbibigay ng kani-kanilang pananaw hinggil sa pag-usad ng boxing sa bansa.

Ang CAT Network channel 8 ang siyang exclusive media partner ng Blow By Blow. Sinabi ni CAT Television President & CEO Jeff M. Manibay na “Boxing has earned all the right to stand alongside existing sporting brands in the country today. CAT Network will utilize its resources to ensure the continuity of our gains in the sport.”

Kasama ng Blow By Blow sa listahan ng mga programang nakalinya sa CAT ang mga reality based TV programs tulad ng “GROlympics” at “Rockstar”, boxing talk show “Inside Ringside”, at news and public affairs programs “CAT News Express” at “Inside the Countryside”.

Ang Blow By Blow ay mapapanood sa CAT Network channel 8 tuwing Sabado sa ganap na alas-8 ng gabi.

Show comments