MANILA, Philippines - Hindi lamang si Paul Lee ang dapat na pangilagan sa hanay ng mga Ironmen.
Pinatunayan ito ni head coach Lawrence Chongson nang sandalan si Patrick Cabahug sa 66-65 paglusot ng kanyang Cobra Energy Drink sa Excelroof noong Marso 4.
“At least we proved that this is not just a Paul Lee team as other guys are willing to step up and lead us to victories,” ani Chongson.
Puntiryang makatabla sa liderato, haharapin ng Ironmen ang Ascof Lagundi Cough Busters ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng 25ers at Fern-C Ferntastics sa alas-2 sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup sa The Arena sa San Juan City.
Ang tagumpay ng Cobra at Excelroof ang magreresulta sa isang four-way tie para sa unahan katabla ang Pharex B Complex at Cossack Blue.
“We got complacent and we have to correct it,” ani Chongson sa panalo ng kanyang Ironmen sa 25ers. “We also have to develop our togetherness simply because this team has been playing as one for only a month.”
Maliban kina Lee at Cabahug, muling ibabandera ng Cobra sina Parri Llagas, Jai Reyes, Allan Mangahas at Marvin Hayes kalaban sina Sean Co, Bam Bam Gamalinda, Edwin Asoro, JR Gerilla at Rob Labagala ng Ascof Lagundi, nakatikim ng 89-103 pagyukod sa Pharex.
Sa unang laro, tatangkain naman ng Excelroof ni Ato Agustin na makabangon mula sa naturang pagkatalo sa Cobra sa pakikipagtipan sa Fern-C ni Bal David.
Umiskor ang Ferntastics ni Bal David ng malaking 81-78 panalo sa Ani-FCA Cultivators.
“May kaunti ng chemistry sa team. Pero marami pang dapat na gawin like dagdagan ang focus especially sa third quarter na kung saan nagko-collapse kami,” sabi ni David.
Itatapat ng Excelroof sina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Ian Sangalang, Ronald Pascual at Pamboy Raymundo kina John Wilson, June Dizon, Anthony Espiritu, Jun-Jun Tanuan at Raymond Maconocido ng Fern-C.
Ang top two placers ang makakasikwat ng ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four.