DALLAS--Umabot na sa 10 ang season-high winning streak ng Dallas Mavericks.
At kinailangan nila ang tulong ni rookie Roddy Beaubois para makuha ito.
Nagtala si Beaubois ng 9-for-14 fieldgoals at 3-for-6 sa 3-point range para pagbidahan ang Mavericks sa 108-100 panalo laban sa Sacramento Kings kahapon.
Humakot si Dirk Nowitzki ng 31 points at 12 rebounds para sa Dallas kasunod ang career-high 22 marka ni Beaubois.
“We really wanted to win this one because of (Jason Terry) being out,” wika ni Beaubois, ang 25th overall pick ng Oklahoma City Thunder bago dinala sa Dallas mula sa isang trade. “I really tried to be aggressive. We needed everyone to push themselves.”
Si Terry, may averages na 17 puntos para sa Mavericks, ay inaasahang magpapahinga ng 10 hanggang 14 araw dahil sa pag-aayos ng kanyang facial injuries mula sa kanilang panalo sa Minnesota Timberwolves.
“Roddy did a great job for us being that energy plug that (Terry) usually is and hitting some big shots,” wika ni Nowitzki kay Beaubois.
Nanguna naman si Carl Landry para sa Kings mula sa kanyang 21 points kasunod ang tig-20 nina Beno Udrih at Tyreke Evans.
Mula sa isang 10-point deficit sa first half, isinara ng Dallas ang third quarter buhat sa isang 9-1 run sa likod ni Shawn Marion patungo sa kanilang 85-72 lamang sa Sacramento papasok sa fourth period.
Sa Charlotte, North Carolina, ipinatikim ng Bobcats ang magkasunod na kabiguan sa Los Angeles Lakers makaraang ilista ang 98-83 panalo.
Kumana si Stephen Jackson ng 21 puntos at nagtala naman si Gerald Wallace ng 17 puntos at 10 rebounds at naipanalo ng Charlotte ang kanilang unang laro mula ng pumayag si Michael Jordan na bilhin ang koponan.
Sa Cleveland, ginapi ng host team ang Detroit sa larong na-delayed matapos na si Pistons guard Rodney Stuckey ay mag-collapse sa third period.
Nagposte si LeBron James ng 40 puntos, 13 rebounds at anim na assists para sa NBA-leading Cavaliers.
Sa San Antonio, dinala ni Tony Parker ang San Antonio Spurs sa 102-91 panalo sa likod ng kanyang 20 puntos matapos na payukurin ang New Orleans Hornets.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Oklahoma City Thunder sa L.A. Clippers, 104-87; hiniya ng Boston Celtics ang Philadelphia 76ers, 96-86; pinasadsad ng Denver Nuggets ang Indiana Pacers, 122-114; nanaig ang Atlanta Hawks sa Golden State Warriors, 127-122; tinalo ng Toronto Raptors ang New York Knicks, 102-96 at nakalusot ang Milwaukee Bucks sa Washington Wizards, 102-74; sinilat ng Orlando Magic ang New Jersey Nets, 97-87.