MANILA, Philippines - Dapat limitahan ni GM Wesley So ang paglahok nito sa mga kompetisyong naglalaan ng mga premyo upang makamit nito ang tagumpay sa nalalapit na Asian Games sa Guangzhou, China mula Nobyembre 12 hanggang 27.
Ito ang paalala ni Go Teng Kok, ang athletics president at Sports and Rules committee chairman ng POC sa 17-anyos na si So na kanyang pinaniniwalaang may malaking tsansa na manalo ng ginto sa Asiad.
Ayon kay Go, na dating pangulo rin ng chess bago napalitan ni dating Senador Prospero Pichay, may talento si So at kayang sumabay sa mga bigating manlalaro sa sport na mula sa host China.
Ngunit, dapat specialized training at hindi ang paglalaro sa malalaking torneo na nagbibigay ng premyo ang atupagin ng batang GM.
Suportado rin ng sports official ang prediksyon ni PSC chairman Harry Angping na 10 ginto pero nakadepende ito sa gagawing pagsuporta ng ahensya sa pagsasanay ng Pambansang manlalaro.
Sa ngayon ay mayroong pool ng manlalaro ang nasa pangangalaga ng PSC at 11 nga rito ay napili na bigyan ng P20,000 monthly allowances at intensibong pagsasanay dahil sila ay nakitaan ng potensyal na manalo base sa kanilang track record.
“Puwede ang 10 gold medals pero dapat mabigyan ng exposures ang mga atleta. Para sa akin ay kaya ngayon ng hanggang pito at ang billiards ang nakikita kong kayang magbigay ng tatlo,” ani Go.
Sa larangan ng 8-ball at 9-ball men’s singles patok umano ang bansa habang maaaring makapanggulat ang mga manlalaro sa women’s billiards.
Ang athletics, dragon boat at taekwondo ang posible pang pagkuhanan ng ibang ginto.
Si Marestella Torres na gumawa ng 6.68m lundag para maging SEA Games at Philippine record nang manalo sa Laos noong Disyembre ang siyang sinasandalan ni Go na manalo para sa kanyang hanay.
Si Torres ay tutungo sa Cologne, Germany sa Abril para sumailalim sa anim na buwang pagsasanay at mapalawig pa ang kaalaman sa paboritong long jump. (Angeline Tan)