Malungkot na masaya
Magkahalong emosyon ang nararamdam ko sa panimula ng aking kolum.
Masaya dahil isa itong simula nang panibagong kabanata at hamon para sa akin. Bukod sa mga kapana-panabik at interesanteng mga istorya mula sa mga coverage, ilalahad ko rin ang mga istorya sa likod ng mga istorya.
Isusulat din natin ang ating mga opinion sa mga pangyayari at kalagayan sa sports. Maaaring ito ay maganda o masalimuot o mapait pero ang layunin natin ay hindi upang makasakit kung hindi upang maiangat pa ang larangan na ating minamahal--ang sports.
Kaya’t sa mga susunod na pagpupugay ng ating kolum, asahan pa ang mas mainit na talakayan natin ng mga isyu sa sports.
* * *
Nakalulungkot din ang atin ding panimula dahil sa pagpayapa ng itItunuring kong mentor sa pagsusulat--ang aking sports editor na si DINA MARIE DELA CRUZ-VILLENA.
Sumama na si Dina sa ating Panginoong Maykapal kamakailan. Pero kahit wala na siya marami siyang iniwan upang maaalala ko ang aming pagsasama. Si Dina ay hindi lamang isang kasamahan sa trabaho, siya rin ay isang kaibigan…sa mga panahon na kinakailangan ko ng maitnding payo upang magising sa katotohanan…nandoon si Dina upang ipakita kung ano ang aking opsyon.
Mami-miss ko si Dina.
Siya ang itinuturing ko na isa sa mga haligi sa pagtataguyod sa mga kababaihang manunulat sa sports. Si Dina, ako, si Letlet Terrenal ng Balita at Jean Malanum ng Bulletin ang lagi noong magkasama sa mga coverage.
Mahusay na sports writer at editor si Dina. Hindi niya pinapabayaan ang kanyang trabaho. Kahit na ano ang mangyari, lalabas ang sports page ng Pilipino Star NGAYON--iyon ang kanyang motto.
Gayundin, naroon din ang pagsisikap niya na maitaguyod at mabigyan ng kinabukasan ang kanyang pamilya. Maaaring mahirapan ang mga naiwan ni Dina na mag-cope sa kanyang pagkawala, pero, para sa akin, ang mga alaala ni Dina ang lalo pang magpapatibay sa kanilang pamilya.
Mami-miss ko ang matunog na halakhak ni Dina. Wala kasi siyang pagkukunwari. Masaya rin siyang kasama. Marahil ay dahil sa madali siyang pakibagayan o baka mababaw lang ang kanyang kaligayahan. Masakit na mawalan ng kaibigan na tulad ni Dina, pero ang isipin na lang natin ay Masaya na si Dina sa piling ng ating Panginoon.
Mami-miss ko din ang mga masasarap na recipe itinuturo niya sa akin, lalo na ang pasta at ang paghaplos-haplos niya ng aking ulo sa tuwing may kausap siya sa telepono.
Para sa mga naiwan ni Dina, huwag kayong malungkot. Ayaw ni Dina ng kalungkutan.
Para kay Dina, salamat sa mga alaala.
- Latest
- Trending