Katatagan sa liderato itataya ng Ironmen, Spirits

MANILA, Philippines - Matapos malagpasan ang tatlo nilang unang laro, muling makakaliskisan ang mga 25ers sa pagsagupa sa Ironmen.

Nakatakdang harapin ng Excelroof ang mabigat na Cobra Energy Drink ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang upakan ng Cossack Blue at Ani-FCA sa alas-4 sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.  

Inaasahang itatapat ng Ironmen ni Lawrence Chongson sa 25ers ni Ato Agustin sina Paul Lee at Jai Reyes.

“We really have to execute our game plan perfectly if we want to stay unbeaten. Cobra is a very strong team with Lee and Reyes around,” wika ni Agustin. “We have to increase our level of energy to have a chance of beating them.”

Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang Excelroof at ang Cossack mula sa magkatulad nilang 3-0 rekord kasunod ang Pharex B Complex (3-1), Cobra (2-1), Fern-C (1-3), AddMix (1-3), Ascof Lagundi (1-3) at Ani-FCA (0-3).

Nanggaling ang 25ers mula sa isang 83-75 panalo sa Transformers noong Martes para sa kanilang pangatlong sunod na arangkada.

“This team will be tested come our game on Thursday since we will be facing Cobra Energy Drink. That game will really determine how far we can go in this conference,” dagdag ni Agustin.

Nakalasap naman ang Ironmen ng isang 90-91 overtime loss sa Spirits sa kanilang hu­ling laro.

Muling ibabandera ng Excelroof ni Agustin sina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Ronald Pascual, Pamboy Raymundo at Ian Sangalang katapat sina Lee, Reyes, Patrick Cabahug, Allan Mangahas at Pari Llagas ng Ironmen ni Chongson.

Sa ikalawang laro, asam rin ng Cossack ang kanilang pang apat na dikit na ratsada sa pakikipagharap sa Ani-FCA.

Pamumunuan nina James Martinez, Earn Saguindel, Jorel Canizares at JR Taganas ang Spirits katapat sina James Sena, Christian Luanzon at Neil Pascual ng Cultivators.  

Show comments