LPGMA TOUR OF LUZON: 'Tunay na laban bukas pa lang magsisimula' - Davadilla
SUBIC , Philippines -- Sa unang dalawang araw ng nine-stage 2010 Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) Tour of Luzon, ang mga foreign riders ang namamayagpag.
Ngunit para kay two-time Tour champion Warren Davadilla, pansamantala lamang ito at bukas pa lamang magsisimula ang tunay na labanan.
“Mahaba pa ang karera. Magkakaalaman ‘yan pag dating sa road race,’’ wika ni Davadilla, team skipper ng GeoEstate/The Beacon.
Mag-uunahan ang 60 riders mula sa 10 koponan sa tatlong sunod na point-to-point massed start races simula bukas.
Dadaanan ng mga ito ang 133-kilometer ride mula sa Subic hanggang sa San Jose, Tarlac.
Magsisimula ang Stage 6 sa loob ng dating American naval base kung saan bibiyahe ang mga siklista sa Bataan Technopark sa Dinalupihan, Bataan bago matapos sa Morong matapos ang 130 kms.
Isa pang 130 kms ng bulubunduking daan ang sasakupin ng mga kalahok sa Stage 7 kung saan posible nang makilala ang Tour champion.
``Malakas talaga sila (foreigners) sa criterium kaya expected na sila ang mananalo sa mga stages na circuit,’’ wika ng 35-anyos na si Davadilla matapos ang panalo ni Canadian Ryan Anderson ng Kelly Benefits Strategies sa Stage 2 (ITT) para angkinin ang overall lead mula kay Stage 1 winner James Perry ng South Africa.
Kumpiyansa naman si dating Tour champions Paquito Rivas at Rene Dolosa sa mga local riders.
``Maikli ang mga naunang karera kaya tingin ko malaki ang pag-asa natin pag dating sa road (race),’’ sabi ni Dolosa, ang 1992 at 1995 Tour champion na tumatayong coach ng partylist group LPGMA.
- Latest
- Trending