Pagsosyo sa liderato puntirya ng Excelroof kontra AddMix
MANILA, Philippines - Mula sa kanilang dalawang sunod na panalo, inaasahan ni coach Ato Agustin na kakaibang klase naman ng koponan ang kanilang makakalaban.
Tinalo ng Excelroof ni Agustin ang Ascof Lagundi, 82-73, at iginupo ang Nutri-FCA, 83-59, para iposte ang kanilang 2-0 kartada.
“Like what I have stated, we’re taking it one game at a time,” ani Agustin. “Every team has different styles and needs, different approaches and what we can promise is that we will be prepared for any opponent and we will give our best.”
Puntirya ang kanilang pangatlong dikit na arangkada at pagsalo sa liderato, haharapin ng 25ers ang AddMix Transformers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng Fern-C Ferntastics at Cultivators sa alas-2 sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pangungunahan nina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Ian Sangalang, Pamboy Raymundo at Ronald Pascual ang Excelroof kontra kina Lisztian Amaparado, Julius Colina, Jerick Canada, Gio Ciriacruz at Alain Maliksi ng AddMix.
Nagmula ang Transformers ni Leo Austria sa isang 76-80 pagkatalo sa Cough Busters noong nakaraang linggo.
Tangan ng Cossack Blue ang pamumuno sa likod ng kanilang 3-0 rekord sa itaas ng Excelroof (2-0), Pharex B Complex (3-1), Cobra Energy Drink (2-1), AddMix(1-2), Ascof Lagundi (1-3), Nutri-FCA (0-2) at Fern-C (0-3).
“Everybody is doing their job,” ani Agustin. “They enjoy playing but at the same time remain aggressive and play within our system. And I feel we are slowly building the team’s chemistry.”
Mag-uunahan namang makasikwat ng kanilang kauna-unahang panalo ang Ferntastics ni Bal David at Cultivators ni Toto Dojillo.
Nanggaling ang Fern-C sa isang 77-85 kabiguan sa Pharex B Complex, habang nakatikim naman ang Nutri-FCA ng isang 59-83 pagkatalo sa Excelroof.
- Latest
- Trending