Donaire, Concepcion dinumog sa motorcade sa Maynila
MANILA, Philippines - Kagaya ng kanyang mga nakagawian, muling nilibot ni world interim super flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. ang mga kalsada ng Maynila kahapon.
Ang naturang motorcade ay inorganisa ng Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Alfredo Lim.
Nakasama ni Donaire, ang kasalukuyang World Boxing Assocation (WBA) interim super flyweight titlist, sa naturang motorcade ang kanyang asawang si Rachel Marcial at si Filipino featherweight contender Bernabe “The Real Deal” Concepcion.
Mula sa Manila City Hall, dumiretso ang grupo ni Donaire sa mga kalsada ng Escolta, Dasmariñas, Avenida, C.M. Recto, Del Pan, Road 10, Tayuman, Forbes, España, Fajardo, Earnshaw, Legarda at Concepcion.
Matapos ito ay nagbalik sina Donaire sa Manila City Hall.
“Feel na feel ko na Anak ako ng Maynila,” sabi ng 28-anyos na si Donaire.
Mas pinili ni Lim na sumakay sa ibang sasakyan at bigyan ng pagkakataon sina Donaire at Concepcion na makihalubilo sa kanilang mga fans,.
“I would rather not join them in their vehicles they boarded “so they can bask in their own, hard-earned glory,” wika ng Alkalde.
Inaasahan ni Lim na patuloy na magbibigay ng karangalan sina Donaire at Concepcion sa bansa.
“Bihira lamang ang kagaya nila na nagsisikap hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang bayan,” sabi ni Lim kina Donaire at Concepcion. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending