Best Player of the Conference

Hanggang kahapon ang deadline sa botohan para sa Best Player of the Conference award ng KFC PBA Philippine Cup at tila sina James Yap ng Purefoods Tender Juicy Giants at Willie Miller ng Alaska Milk ang main contenders para sa karangalang ito.

Kasi nga’y naihaid nila sa Finals ng torneong ito ang kani-kanilang koponan.

Unang umabot sa Finals ang Aces nang mawalis nila ang Barangay Ginebra, 4-0 sa best-of-seven semifinals. Sinundan sila ng Giants matapos ang 4-2 tagumpay kontra powerhouse San Miguel Beer sa kanilang hiwalay na duwelo.

Sa totoo lang, nang matapos ang 18-game double round eliminations ng Philippine Cup ay sina Kelly Williams ng Sta. Lucia Realty at Arwind Santos ng San Miguel Beer ang top two contenders para sa Best Player award. Ang dalawang ito kasi ay consistent na nag-average ng double-double (scoring at rebounding) para sa kanilang teams.

Ang siste’y hindi nga nakaabot sa Finals ang Realtors at Beermen.

Una ngang natsugi ang Sta. Lucia Realty nang masilat ito ng Rain Or Shine sa unang knockout match pa lamang ng “wildcard phase.”

Hindi naman nagamit nang husto ng Beermen sa kanilang advantage ang pangyayaring una pa silang nakarating sa semis at nakapagpahinga ng 25 days. Nakauna pa din sila sa semis kontra Giants, 2-1 pero natalo sa huling tatlong games.

At kapuna-punang bumaba ang mga numero ni Santos sa semis dahil sa nagbalik sa active duty sina Danny Seigle at Danny Ildefonso.Nagkaganito man, silang dalawa pa rin ni Wlliams ang naging top two players sa statistics matapos ang semifinals.

So, realistically, puwedeng sinuman kina Williams at Santos ang mahirang na Best Player of the Conference. Tutal, silang dalawa nga ang top two contenders kung statistics ng pagbabasehan. At isa pa, Best Player of the Conference naman ang titulong karangalan, e.

Botohan naman iyan, e. Ang statistics ay gabay lang sa pagboto.

So, anything can happen.

Ang contention nga lang ng karamihan sa mga objective ang boto ay kung paanong matatawag na Best Player ang isang manlalaro kung hindi niya naihatid sa finals ang kanyang team?

Bagamat hindi ganun dapat ang maging basehan, may punto rin ang mga nagsasabing dapat ay mga manlalaro sa Finalists ang siyang maging top priority sa botohan.

Kaya nga may panukala ang iba na marahil ay kailangan na mas maagang ibigay ang Best Player of the Conference award. Dapat ay ibigay daw ito immediately after ng mahabang elimination round o kaya ay pagkatapos ng wildcard round.

Kasi, hiwalay naman ang Best Player of the Con­ference sa Best Player of the Finals.

May punto ba?

Show comments