Mayol kampeon pa rin

MANILA, Philippines - Bagamat bumagsak sa third round, napanatili pa rin ni Rodel “Batang Mandaue” Mayol ang kanyang hawak na world light flyweight crown.

Ito ay matapos mag­desisyon ang World Bo­xing Council (WBC) na itu­ring na technical draw ang laban nina Mayol at Mexican challenger Omar Nino Romero kahapon sa Coliseo Olimpico sa Guadalajara, Mexico.

Ilang low blows ang ibi­nigay ni Romero kay Ma­yol sa third round at nang aawatin na ni referee Vic Draculich ang laban ay nagpakawala pa ang Mexican ng isang left hook na ikinabagsak ng Filipino titlist.

Hindi na nakabangon pa ang 28-anyos na si Ma­yol at kaagad na isinakay sa strecher at dinala sa Military Regional Hospital sa Guadalajara para tingnan ang kondisyon nito.

“Although he was hit hard on the jaw, there was no fracture in his jaw and his neck is fine,” wika ng cutman na si Dr. Ed dela Vega kay Mayol. “We are about to get back to our hotel from the hospital.”

May 26-4-2 win-loss-draw ring record ngayon si Mayol kasama ang 20 KOs kumpara sa 28-3-2 (11 KOs) card ng 33-anyos na si Romero.

Wala pang desisyon ang WBC, kinatawan ni vice president Mauricio Sulaiman, kung magtatakda ng isang rematch sa kabila ng kawalan ng ‘rematch clause’ sa kontrata nina Mayol at Romero.

Ang naturang WBC light flyweight belt ay inagaw ni Mayol sa dating kampeong si Edgar Sosa ng Mexico via second-round TKO noong Nobyembre 21 sa Palenque dela Feria sa Chiapas, Mexico.  

Samantala, hindi na pi­nalad si ‘Marvelous’ Mar­vin Sonsona sa kanyang pagtatangka para sa ikalawang world boxing crown.

Tinalo ni Puerto Rican Wilfredo Vasquez, Jr. si Son­sona via fourth-round TKO para angkinin ang bakanteng (WBO) super bantamweight title kahapon sa Coliseo Rubén Rodríguez sa Bayamón, Puerto Rico.

Isang matulis na left hook ang ikinonekta ng 22-anyos na si Vasquez sa kaliwang panga ng 19-anyos na si Sonsona sa 2:01 ng fourth round kung saan nabigong malagpasan ng tubong General Santos City ang bilang ni referee Luis Pabon.

Tangan ngayon ni Vasquez ang kanyang 18-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs. (RCadayona)

Show comments