MANILA, Philippines - Walang tinanghal na overall champion, ngunit ang mga atleta pa rin ng National Capital Region (NCR) ang humakot ng pinakamaraming gintong medalya sa katatapos na 2010 CHED National Games kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
Kabilang sa mga sports events na dinomina ng mga Big City student-athletes ay ang swimming, athletics at taekwondo.
Kumolekta ang NCR ng 162 golds, 42 silvers at 40 bronze medals para pangunahan ang kompetisyon kasunod ang Region 6 ( 40-66-54) at Region 7 (33-42-34) at Region 4-A (25-37-46).
Ang bawat miyembro sa team events ay bibigyan rin ng medalya.
Humakot ang NCR ng 55 gintong medalya sa swimming, habang 31 naman sa athletics.
Kabilang sa mga gumawa ng eksena ay sina track sensation Serenata Saluan, isang Tausug native na nahugot ng University of Sto. Tomas, at sina swimmers Maria Claire Adorna at Carla Grabador ng University of the Philippines. (Russell Cadayona)