MANILA, Philippines - Siya na ang student-athlete na may pinakamaraming gintong medalyang nakuha sa 2010 CHED National Games.
Kinumpleto ni Marie Claire Adorna ng University of the Philippines ang pagwalis sa nilahukan niyang pitong swimming events para sa National Capital Region kahapon sa Rizal Memorial Swimming Center.
Nakatuwang ng 16-anyos na UP Sports Sciences freshman sina Judith Juinio, Quennie Lao at Jacquelin Gan para pagreynahan ang women’s 4x100-meter medley relay sa tiyempong 5:01.39.
“Natural masaya, pero di ko talaga inaasahan na makukuha ko ang seven golds,” wika ng 5-foot-7 na si Adorna sa kanyang 7-for-7 gold medal haul para sa NCR.
Inangkin ni Adorna ang mga gintong medalya sa women’s 400m Individual medley, 50m freestyle, 100m freestyle, 100m butterfly, 50m backstroke at 4x50-meter relay events.
Nagdagdag naman ng anim na gold medals ang kakamping si Carla Grabador mula sa kanyang tagumpay sa womens’ 400 freestyle at 50m butterfly events.
Nabigong makuha ni Grabador ang kanyang pang pitong gold medal nang makuntento ang UP tankers sa bronze sa 4x200-meter freestyle relay na inangkin ng Region 6 (Western Visayas) sa oras na 10:48.86.
Mula sa swimming competitions, pinamahalaan naman ng NCR ang athletics event mula sa panalo ni Serenata Saluan sa Rizal Memorial Track Oval.
Pinagreynahan ng tubong Jolo, Sulu na pambato ng University of Sto. Tomas ang women’s 3,000-meter run sa tiyempong 10:29.9 para idagdag sa kanyang naunang pinanalunang 800 at 1,500-meter events.
Ang iba pang nagwagi ay sina Roger Denolo ng NCR sa men’s 3,000-meter steeplechase (9:45.1), Joseph Binas ng Region 6 sa men’s 400-meter hurdles (54.5), Irin Baluran ng Region 7 sa triple jump (11.82) at Kenneth Ferrera ng NCR sa discus throw (33.24). (RC)