MANILA, Philippines - Bilang pahahanda para sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China, dalawang torneo ang nakatakdang idaos ng Philippine Fencing Association (PFA).
Ito ay ang Asian Juniors at Cadet Championships na idaraos sa Marso 4-14 sa ULTRA sa Pasig City.
Ang naturang mga torneo, ayon sa bagong fencing association president na si Atty. Victor Africa ang kanilang magiging basehan para sa pagpili ng bubuo sa koponang isasabak sa 2010 Guangzhou Asiad sa Nobyembre.
Ang mga binigyan na ng PFA ng puwesto para sa national team ay sina Wally Mendoza (saber), Emerson Segui (foil) at Harlene Orendain (epee).
Umabot na sa 30 bansa ang nagpadala ng kanilang kumpirmasyon kay Africa para lumahok sa naturang dalawang Asian level competitions.
“The Philippines is lucky for having been selected the venue of the twin competitions which is regarded as the future, not only the Philippine fencing but, likewise, that of Asia as the best fencers in the region aged 12-20 will be seeing action,” ani Africa sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Malate, Manila.
Ang mga kategorya para sa nasabing torneo ay ang cadet para sa mga may edad 12-anyos hanggang 17-anyos at ang junior (17-20). (RCadayona)