Solong liderato nakataya sa sagupaang Cobra, Pharex B
MANILA, Philippines - Maliban sa Cobra Energy Drink ni coach Lawrence Chongson, ang Excelroof rin ni mentor Ato Agustin ang sinasabing magiging paborito sa 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup.
Ibinabandera ng 25ers ang ilang miyembro ng five-time NCAA champions San Sebastian College-Recoletos na naghari sa nakaraang 85th season ng NCAA kontra three-peat titlists San Beda College.
Sa kanilang debut game noong Martes, tinalo ng Excelroof ang bigating Ascof Lagundi, 82-73.
Para sa PBL tournament, halos tatlong linggo lamang naghanda ang mga 25ers, ayon kay Agustin.
“I was surprised to see how the players responded since I told them that this is not the same level as playing in the NCAA or the Collegiate Champions Cup. This is the PBL which is more physical,” sabi ni Agustin.
Hangad ang kanilang ikalawang sunod na panalo, makakatagpo ng Excelroof ang ANI-FCA ngayong alas-4 ng hapon matapos ang laro ng Cobra at Pharex B Complex sa alas-2 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pangungunahan nina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Pamboy Raymundo at Ronald Pascual ang 25ers katapat sina JR Sena, Marc Cagoco, Neil Pascual, Chris Luanzon at Gary Sevilla ng Agrinurture.
Nanggaling ang Ani-FCA sa isang 62-82 pagyukod sa Pharex B noong Huwebes.
Kagaya ng Excelroof, nagmula rin sa magkahiwalay na panalo ang Cobra at Pharex B para puntiryahin ang kanilang pangalawang dikit na panalo sa torneo.
Binigo ng Ironmen ang AddMix Transformers, 81-77, sa likod ng pagkolekta ni Paul Lee ng 18 sa kanyang 25 puntos sa fourth quarter, habang pinayukod naman ng Pharex B ang Agrinurture, 82-62, noong Huwebes.
Pamumunuan nina Lee, Parri Llagas, Jai Reyes, James Mangahas at Paul Zamar ang Ironmen kontra kina Vic Manuel, Chico Tirona, JR Tecson, Martin Reyes at Ford Arao ng Pharex B. (RC)
- Latest
- Trending