MANILA, Philippines - Dumating na kahapon ng umaga si WBO featherweight champion Bernabe Concepcion sa Ninoy Aquino International Airport terminal 2 mula Las Vegas matapos na mapagwagian ang 10-round decision laban kay Mario Santiago ng Mexico.
At sa kanyang paglapag, sinabi nito na maligaya siya sa kanyang pagkakapanalo sa nasabing laban at kasalukuyan ng inaayos ng kanyang promoter na Top Rank ang venue para sa kanyang susunod na laban alin man sa hometown ni Juan Manuel Lopez sa Puerto Rico o sa Las Vegas.
“Talagang pinaghandaan ko ang laban ko kay Santiago para makaharap ko si Lopez,” ani Concepcion. Idinagdag pa niya na ang nilulutong laban ay itinakda sa Hunyo.
Sinabi rin ni Concepcion na magsisimula na siyang mag-training sa Abril, tatlong oras sa umaga at apat na oras sa hapon.
Sa kasalukuyan, ang 22-anyos na si Concepcion ay may timbang na 138 pounds at balak nitong umakyat sa 140 para lumaban sa welterweight division.
Matatandaan na pinabagsak ni Concepcion si Santiago sa sixth round at sa 10th na naging daan upang ibigay sa kanya ng mga hurado ang decision.