MANILA, Philippines - Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Philippine Patriots nang kanilang ilabas ang bangis ng paglalaro tungo sa 72-53 panalo sa Satria Muda BritAma sa game two ng ASEAN Basketball League Finals nitong Miyerkules ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Umarangkada ang Patriots sa second period nang makalayo sa 41-26, at kahit lumamya ang opensa sa ikatlong yugto at napanumbalik uli ang init sa huling yugto para makuha ang 2-0 bentahe sa best of five title series.
Si Gabe Freeman ay mayroong 23 puntos at 14 rebounds kahit nalagay sa foul trouble habang si Jason Dixon ay nag-ambag ng 11 puntos, 12 rebounds at 2 blocks ngunit ang dalawa ay nakakuha ng magandang suporta sa mga local players gaya ng nais ni coach Loiue Alas at ng co-team owner Dr. Mikee Romero.
Si Rob Wainwright ay bumangon mula sa bench at nagpakawala ng 16 puntos, 11 sa first half at walo rito sa second period upang trangkuhan ang maagang paglayo ng Patriots kahit nakaupo sa bench si Freeman dala ng tatlong personal fouls.
Nang magtangkang bumalikwas ang Indonesian team matapos makapanakot sa 52-46 sa pagbubukas ng huling yugto, ay naroroon naman si Christian Coronel na nagpakawala ng kanyang tres at nagbagsak ng limang puntos upang makatuwang si Freeman na may tres din at limang puntos.
Suportado ng depensa nina Dixon at Nonoy Baclao, ang Patriots ay nakapagpakawala pa ng 20-4 bomba para tuluyang maangkin ang panalo sa 72-50 kalamangan.
Si Baclao ay mayroong limang rebounds at dalawang blocks upang isama sa kanyang 2 puntos.
Isang panalo na lang ang kailangan ng Patriots para makuha ang titulo.
RP PATRIOTS 72--Freeman 23, Wainwright 16, Dixon 11, Coronel 5, Gaco 4, Ybanez 3, Espiritu 3, Sta Maria 3, Baclao 2, Alcaraz 2.
SATRIA MUDA BRITAMA 53--Gunawan R. 15, Hartman 12, Miller 11, Frihantono 6, Wuysang 5, Sondakh 4, Sitombang 0, Achamd 0, Gunawan G. 0, Wijaya 0.
Quarterscores: 19-13; 41-26; 52-43; 72-53.