RP Cuppers gustong makaganti sa Japan
MANILA, Philippines - Maliban sa paghihiganti sa mga Japanese, hangad rin ng mga Filipino tennis players na makaangat sa second round ng Group I ng Davis Cup Asia-Oceania Zone.
Ito ang inihayag kahapon nina Philippine Lawn Tennis Association (Philta) vice president Randy Villanueva, coach Chris Cuarto at Danny Francisco ng Cebuana Lhuillier sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
“Hopefully, we will get our revenge on them,” ani Villanueva sa pagsagupa ng RP Team sa Japan sa Marso 5-7 sa Namihaya Dome sa Osaka, Japan. “It will be tough for our team since we will be playing in Osaka but the team will be ready.”
Winalis ng mga Japanese ang Nationals, 3-0, sa kanilang huling pagtatagpo noong 2008.
Ibabandera ng RP Team sina Fil-Am netters Cecil Mamiit at Treat Huey kasama sina top locals Johnny Arcilla, Francis Casey Alcantara at PJ Tierro.
Ipaparada naman ng Japan ang 32-anyos na si Satoshi Iwabuchi, ang ranked 309th sa mundo, katuwang sina Takao Suzuki, Go Soeda at Yuichi Sugita.
Tinalo ni Mamiit si Soeda, 6-4, 6-4, sa ATP Challenger Tournament sa United States. (RCadayona)
- Latest
- Trending