Armenian GM itinulak si So sa draw

MOSCOW, Russia — Muli na namang nauwi sa draw ang laban ni Filipino GM Wesley So sa sixth round ng 2010 Aeroflot Open chess tournament dito sa Hotel Gamma-Delta ng Ismailova Tourist Complex.

Nagkasundo sa draw ang 16-anyos na si So at GM Arman Pashikian ng Armenia matapos ang 52 moves.

Nauwi sa tabla ng laro nang makuha ng 24th-see­ded na si Pashikian ang dalawang natitirang pawn ng 17th-seeded na si So, isinuko ang kanyang knight para sa dalawang pawns sa kanyang pang 30th move.

Dahil rito, ang high school student ng St. Fran­cis College-Bacoor ay nakatabla sa fourth hanggang 14th places mula sa kanyang 4.0 points sa naturang nine-round tournament spon­sored.

Nasa ilalim si So nina GM Boris Grachev ng Russia at GMs Le Quang Liem at Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam na may magkakatulad na 5.0 points patungo sa huling tatlong rounds.

Katabla ni So sina de­fen­ding champion GM Etien­ne Bacrot ng France, GM Arkadij Naiditsch ng Germany, GM Ivan Che­pa­rinov ng Bulgaria, GM Gio­vanni Vescovi ng Brazil, GM Ian Nepomniachtchi ng Russia, GM Krishnan Sasikiran ng India, GM Ar­tyom Timofeev ng Russia, GM Anton Korobov ng Ukraine, GM Boris Sav­cehnko ng Russia at Pah­sikian.

Nasa ilalim naman ng grupo ni So ang 21 pang players, kasama rito sina top seed GM Maxime Vachier-Lagrave ng France, third seed GM Ale­xander Motlyev ng Russia, dating world championship candidate GM Gata Kamsky ng United States at 2009 co-champion GM Alexandr Moiseenko ng Ukraine.

Makakatagpo ni So sa seventh round si Timofeev.

Muli namang natalo si Filipino GM Darwin Laylo sa kanyang laro kay GM Yuriy Ajrapetjan ng Ukraine matapos ang 55 moves.

Show comments