MANILA, Philippines - Kung lakas at bilis ang sandata ni Manny Pacquiao, ang malapad na katawan at matulis na jab ang instrumento ni Joshua Clottey.
Sa panayam ng FightFan.com kahapon, sinabi ng 32-anyos na si Clottey na kaya niyang makipagsabayan sa 31-anyos na si Pacquiao sa kanilang “The Event” sa Marso 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
“I have a stiff jab and I will throw it a lot against Manny Pacquiao. He will be coming to me and you’ll see what I can do,” ani Clottey. “I will stay in front of him with my tight guard using a stiff jab. He’s going to get hit while he’s traveling in.”
Ito ang magiging ikalawang sunod na title shot ng pambato ng Ghana matapos mabigo kay Puerto Rican Miguel Cotto para sa World Boxing Organization (WBO) welterweight crown via split decision noong Hunyo ng 2009 sa Madison Square Garden sa New York.
Tinalo naman ni Pacquiao ang 29-anyos na si Cotto sa pamamagitan ng isang 12th-round TKO upang agawin sa Puerto Rican ang suot nitong WBO welterweight belt noong Nobyembre 14 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
At itataya ni Pacquiao, may 50-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang nasabing WBO title laban kay Clottey, nagbabandera ng 35-3-0 (20 KOs) slate.
Para sa pinakamahalaga niyang laban, halos hindi tumitigil sa kanyang pag-eensayo si Clottey sa ilalim ng pansamantalang trainer na si Lenny De Jesus sa kanilang training camp sa Florida, USA.
“I’m running a lot and I’m training hard. I’ve beaten welterweights for years,” wika ni Clottey.
Inamin rin ni Clottey na nagkaroon siya ng problema sa kanyang timbang sa nakaraan niyang mga laban.
“If you look at me from head to toe I’m a big guy and I need to train hard to make the welterweight limit. In the past I may have overtrained but I feel comfortable now at 147,” wika ni Clottey.
Halos 30,000 tickets na ang nabili para sa “The Event” nina Pacquiao at Clottey, ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions.