MANILA, Philippines - Bagamat isang Kenyan ang kanyang kalaban, hindi pa rin natinag si Filipino Alley Quisay upang angkinin ang korona sa 10-kilometer race ng ‘Run for your Heart’ ng Philippine Sports Commission (PSC) kahapon sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Kumawala si Quisay sa huling 10 metro upang talunin si Kenyan long distance runner Kiber Kimberles at ibulsa ang premyong P10,000 at tropeo.
Nagsumite ang 30-anyos na tubong Bolinao, Pangasinan ng tiyempong 31:27.49 para ungusan sina Kimberles (31:29.08) at Alquin Bolivar (31:48.55) na tumanggap ng P5,000 at P3,000, ayon sa pagkakasunod.
Matapos iwanan sina Bolivar, Daniel Lucero at Roger Denolo sa pag-ikot sa Cuneta Astrodome sa Libertad, hinabol naman ni Quisay si Kimberles sa huling 50 metro patungo sa kanyang panalo.
“May mga tinatalo na akong Kenyans simula this year, kaya alam ko na ang gagawin ko pag kalaban ko sila,” ani Quisay sa 23-anyos na si Kimberles.
Ito ang pang 15th 10K title ni Quisay at kauna-unahan para sa taong ito.
Sa women’s 10K, nagreyna naman si Mercedita Manipol-Fetalvero, dating marathon champion at gold medalist sa Southeast Asian Games, mula sa kanyang bilis na 37:01.23 para sa premyong P10,000.
Sumunod sina Maricel Maquilan (39:01.17) at Miriam Miranda (41:33.76) para sa P5,000 at P3,000 na premyo, ayon sa pagkakasunod.
Nakasama ni PSC chairman Harry Angping sa awarding ceremony sina Congresswoman Naida Angping at mga Commissioners na sina Joey Mundo, Eric Lorertizo at Fr. Vic Uy at assistant to the chairman Atty. Paul Vega.
Humigit-kumulang sa 12,000 runners ang lumahok sa naturang karera na itinaguyod rin ng Filipino –Chinese Athletic Federation. (RCadayona)