MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Filipino pool master Efren “Bata” Reyes ang Top 10 world billiards money list para sa buwan ng Enero ngayong 2010.
“Maganda kasi ang performance ni Efren sa pagsisimula ng taon kaya nanguna siya sa AZbilliards Player Money List for January 2010,” wika ni businessman/ sportsman Aristeo “Putch” Puyat, ang ‘Philippine Billiards Godfather’.
May kabuuang $53,275 kita ngayon ang 55-anyos na si Reyes mula sa www.azbilliards.com matapos manalo sa Asia versus Europe challenge match noong Enero 15-17 sa Brunei Darussalam.
Maliban kay Reyes, ang iba pang miyembro ng Team Asia ay sina Puyat Sports stablemates Francisco “Django” Bustamante, Hui-Chan Lu at Pin-Yi Ko ng Chinese-Taipei at Teo Cheo Soon ng Brunei.
Ang bawat isa ay tumanggap ng $5,400.
Matapos ito, dinomina naman ni Reyes ang 12th annual Derby City Classic noong Enero 21-31 sa Horseshoe Casino and Hotel Elizabeth sa Indiana, USA kung saan siya tumumbok ng $20,000 bilang Master of the Table.
Ang mga pinagmulan nito ay ang $16,000 para sa 9-ball division, $6,500 para sa Fatboy 10-ball challenge, $5,000 bilang runner-up place sa 9-ball banks at $375 para sa 20th place sa One Pocket divisions.
Pumuwesto naman si Bustamante bilang sixth-placer mula sa kanyang $8,850, habang tenth-placer naman si Alex “The Lion” Pagulayan sa kanyang kanitang $5,815.
Ang mga nasa Top 10 ay sina No. 2 Scott Frost ($17,600), No.3 John Brumback ($13,875), No.4 Sylver Ochoa (11,220), No.5 Jett Johnson ($9,000), No.7 Rodney Morris ($8,525), No.8 Rafael Martinez ($7,275) at No.9 Shannon Murphy ($6,025).