So sumulong sa 2 dikit na panalo

MOSCOW, Russia-- Ipinagpatuloy ni Filipino Grand Master Wesley So ang kanyang arangkada matapos talunin si GM Hrant Melkumyan ng Armenia sa fifth round ng 2010 Aeroflot Open chess cham­pionship dito sa Hotel Gamma-Delta ng Ismailova Tourist Complex.

Kinuha ng 16-anyos na si So ang kanyang pangalawang sunod na panalo sa naturang 80-player tournament nang tapusin ang 59th-seeded na si Melkumyan sa 39 moves.

Sa pagtatapos ng laro, ta­ngan ni So ang queen, rook, bi­shop at pitong pawns kumpara kay Melkumyan na may queen, rook, knight at apat na pawns.

Tumabla ang high school student ng St. Francis College-Cavite sa fourth hanggang 11th places sa kanyang 3.5 points.

Nasa ilalim si So nina GM Boris Grachev ng Russia, tumalo kay GM Sanan Sjugirov sa 53 moves, Le Quang Liem at Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam.

Makakaharap ni So sa sixth round si No. 24 seed GM Arman Pashikian, may ELO 2647 rating, ng Armenia na bumigo kay top seed GM Maxime Va­chier-Lagrave (ELO 2730) ng France.

Nalasap naman ni Filipino GM Darwin Laylo ang kanyang pang apat na kabiguan makaraang matalo kay GM Josep Manu Martinez ng Spain.

Bago ito, tumabla muna si Laylo kay IM Alexander Danin ng Russia sa fourth round ma­tapos matalo ng tatlong su­nod.

Si GM Yuriy Ajrapetjan ng Ukraine ang makakatagpo ni Laylo sa sixth round.

Show comments