MANILA, Philippines - Tatlong panalo at dalawang talo.
Ito ang naging resulta sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” na nagtampok sa panonood ni Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao kahapon sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
Tinalo ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. si Mexican challenger Ma-nuel Vargas via third-round TKO para sa matagumpay na pagdedepensa ng kanyang suot na World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title.
Iniangat ng 27-anyos na si Donaire ang kanyang ring record sa 22-1-0 win-loss-draw kasama ang 15 KOs kumpara sa 26-5-1 (11 KOs) slate ng 28-anyos na si Vargas.
Pinupog ng tubong Talibon, Bohol si Vargas, ipinalit kay Gerson Guerrero dahilan sa eye injury nito, sa third round kasunod ang isang uppercut sa 1:33 nito patungo sa kanyang TKO win.
Sa naturang panalo, nakatuon ngayon ang pansin ni Donaire para sa kanilang rematch ni Vic “The Raging Bull” Darchinyan na may hawak ng WBA at World Boxing Council (WBC) super flyweight belts.
“That’s what I came here for. But I still have to listen to my promoter,” sabi ni Donaire, inagawan ang 33-anyos na si Darchinyan ng dating suot nitong International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight crowns via fifth-round TKO noong Hulyo ng 2007.
Bukod kay Donaire, nanalo rin sina featherweight Bernabe Concepcion at welterweight Mark Jason Melligen, habang natalo naman sina bantamweights Gerry Peñalosa at Ciso “Kid Terrible” Morales.
Binigo ni Concepcion (28-3-1, 15 KOs) si Mario Santiago (21-2-1, 14 KOs) mula sa isang ten-round unanimous decision at tinalo ni Melligen (17-2-0, 13 KOs) si Raymond Gatica (11-1-0, 6 KOs) via sixth-round TKO.
Natalo ang 37-anyos na si Peñalosa (54-8-2, 36 KOs) kay Puerto Rican Eric Morel (42-2-0, 21 KOs) buhat sa isang split decision, habang pinigil naman ni Mexican Fernando Montiel (40-2-2, 30 KOs) si Morales (14-1-0, 8 KOs) sa 2:06 ng first round.
Nakatakdang idepensa ni Montiel ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt laban kay Morel.