Balasahan sa PSC inaasahan ni Peping matapos ang eleksyon
MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay inaasahan na ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na magkakaroon ng balasahan sa Philippine Sports Commission (PSC).
Sinabi kahapon ni Cojuangco na tiyak nang mapapalitan ang mga opisyales na nasa sports commission matapos ang national election sa Mayo.
“We should look at the reality. By July 1 may bago nang administrasyon. So ang tanong diyan ay kung ito bang mga taong nandito (sa PSC) ay nandoon pa. Unless we ammend the Republic Act 6847, puwedeng palitan lahat ng chairman at Commissioners diyan,” ani Cojuangco.
Si Cojuangco, dating kinatawan ng Tarlac sa Kongreso, ang tiyuhin nina Presidentiables Benigno “Nonoy” Aquino III at Gilbert “Gibo” Teodoro.
Itinutulak pa rin ni Cojuangco ang pagkakaroon ng ‘fixed term’ ng uupong chairman at Commissioners sa sports agency kumpara sa papalit-palit na nangyayari sa kasalukuyan.
Si special envoy to China Harry Angping ang iniluklok ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang chairman ng PSC matapos si William “Butch” Ramirez.
Ang mga Commissioners naman, ayon kay Cojuangco, ay dapat na manggaling sa POC Executive Committee.
Pinuna rin ng POC chief ang planong pagpapatayo ni Angping ng isang ‘state-of-the-art’ football stadium na sasakop sa dalawang running lanes sa track and field oval sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ang nasabing football stadium ay gagastusan ng De La Salle University ng P8 milyon bukod pa ang tulong na P500,000 ng komisyon.
Sinabi ng equestrian president na mas makakabuting ibigay na lamang ang pondo ng PSC sa mga atletang hindi pa nakakakuha ng buwanang allowances. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending