MANILA, Philippines - Dalawang bagitong national athlete ang pararangalan ng Philippien Sportswriters Association (PSA) sa Annual Awards Night sa Marso 1 sa Manila Hotel.
Sina powerlifter Patricia Llena at golfer Carlos Philippe Winsett Palanca ang tatanggap ng Tony Siddayao Youth award.
Ang nasabing parangal, ipinangalan sa yumao nang Manila Standard sports editor, ay ibinibigay sa mga batang atleta na nagpakita ng potensyal sa kanilang batang edad.
Tatlong ginto at isang tansong medalya ang binuhat ng 15-anyos na si Llena, tubong San Antonio, Nueva Ecija, sa nakaraang World Sub-Junior and Junior Powerlifting Championships sa Sao, Paulo, Brazil.
Ang 7-anyos namang si Palanca, apo ni sportsman Honey Boy Palanca, ang tumalo sa 22 golfers mula sa 12 bansa upang tanghalin bilang kauna-unahang Filipino na nagkampeon sa US Kids Golf European Championship sa Kilspindie, Scotland.
Ang mga nanalo na Tony Siddayao Youth award ay sina chess whiz Wesley So, golfers Dottie Ardina at Marcel Puyat at basketball star Norberto Torres. Ang PSA Annual Awards Night ay itinataguyod ng Smart, Pacific Online System Corporation, Philippine Sports Commission (PSC), Harbour Centre at PCSO.
Sina pool player Rubilen Amit, trackters Marestella Torres at taekwondo jins Cecille Alarilla, Janice Lagman at Rani Ann Ortega ang tatanggap ng Athlete of the Year plum.
Pararangalan rin ng Philippine sportswriting fraternity ang boxing hero na si Manny Pacquiao na tatanggap ng Athlete of the Decade award.
Samantala, babanderahan ni boxing women’s champion Annie Albania ang 19 iba pang personalidad na tatanggap ng major award sa nasabing seremonya kung saan panauhin si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.