Ascof-Lagundi pinalakas ang kampanya ng pinagsamang beterano, rookie cagers
MANILA, Philippines - Walong mga datihan nang manlalaro at pitong mga baguhan.
Ito ang magiging komposisyon ng Ascof-Lagundi, dating Pharex, sa kanilang kampanya sa 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup.
“I have eight holdovers of last year’s team and at least seven new faces, so we’re still trying to fit each one to our basketball system,” ani coach Carlo Tan. “Hopefully, things will run smoothly in time for the opener.”
Makakatapat ng Ascof-Lagundi ang Excel Roof sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Fern-C at Cossack Blue sa alas-4 sa pagbubukas ng torneo sa Martes sa The Arena sa San Juan.
Nabigo ang Pharex ni Tan sa Oracle Residences sa kanilang best-of-three championship series noong nakaraang taon.
Ipaparada naman ng Excel Roof ni Ato Agustin ang mga Stags ng San Sebastian College-Recoletos na pinamumunuan nina Jimbo Aquino at Calvin Abueva kasama si Fil-Am Josh Vanlandingham.
“They have what it takes to challenge everybody and they are fresh from winning the NCAA crown, so it’s a plus factor for them,” wika ni Tan sa Excel Roof ni Agustin.
Tinalo ng Stags ang three-peat champions San Beda Red Lions sa championship series ng 85th NCAA basketball tournament.
Sa ikalawang laro, itatampok ng Cossack sina University of the East Red Warriors James Martinez, Raffy Reyes, Paul Zamar, Erwin Duran, JM Noble at Gino Etrone.
Ipaparada naman ng Fern-C, gigiyahan ni dating Ginebra pointguard Bal David, si 2009 NCAA Most Valuable Player John Wilson.
Si Wilson ang naging kamador ng Jose Rizal University Heavy Bombers ni Ariel Vanguardia sa nakaraang 72nd UAAP men’s basketball tournament.
Magtatagpo sa Huwebes ang Cobra Energy Drink, ibabandera sina Paul Lee ng UE at Erick Salamat at Jai Reyes ng Ateneo De Manila University at ang AddMix-Adamson, habang maghaharap ang Pharex-B at Agri Nurture.
Sina Salamat at Reyes ang naging sandata ng Blue Eagles sa paggupo sa Red Warriors, pinangunahan nina Lee, Zamar, Reyes at Elmer Espiritu, sa championship series ng 72nd UAAP men’s basketball tournament.
Maliban kina Salamat at Reyes, naging susi rin sa back-to-back championship ng Ateneo ni Norman Black sina Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao at Nico Salva.
Bago ang nakatakdang laro, magkakaroon muna ng simpleng seremonya.
- Latest
- Trending