Acess, SMBeer sa Game 1
MANILA, Philippines - Halatang pagod at wala sa kanilang porma, isinuko ng mga Gin Kings ang kanilang series opener sa mga Aces.
Mula sa itinumpok na 29-point lead sa third quarter, pinayukod ng Alaska ang Barangay Ginebra, 104-79, sa Game One ng kanilang best-of-seven semifinals showdown para sa 2009-2010 PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Kumpara sa napahingang Aces, nanggaling naman ang Gin Kings sa mabigat at kontrobersyal na best-of-five quarterfinals duel sa dating kampeong Talk ‘N Text Tropang Texters.
Huling naglaro ang Alaska, inangkin ang No. 1 berth sa semifinal round mula sa mas mataas nilang quotient kumpara sa No. 2 San Miguel, noong Disyembre 25 kung saan nila tuluyang nasambot ang outright semifinals ticket.
“It’s a good start definetely. And it’s something that we could build on,” ani coach Tim Cone sa kanilang panalo. “We hoped that it would happen this way but we certainly didn’t expect that we will win big.”
Ito ang unang pagkakataon na nagkaharap ang Aces at Gin Kings matapos noong 1997 PBA Commissioner’s Cup Finals kung saan nagwagi ang Ginebra ni Robert Jaworski, Sr., 4-2, sa kanilang best-of-seven titular showdown.
Matapos ang jumper ni Rico Villanueva para sa 2-0 lamang ng Ginebra, kumayod naman ang Alaska para kunin ang 9-2 abante patungo sa 29-17 pag-iwan sa first period hanggang iposte ang malaking 22-point lead, 55-33, sa 1:06 ng second quarter buhat sa jumper ni Joe Devance.
Ipinoste ng Aces ang pinakamalaki nilang bentahe sa 29 puntos, 74-45, sa 4:19 ng third period galing sa three-point shot ni Larry Fonacier kasunod ang 19-4 atake ng Gin Kings, 15 rito ay mula kay Mark Caguioa, upang makalapit sa 64-78 sa 11:42 ng final canto.
Huling naghamon ang Ginebra sa 68-83 buhat sa dalawang sunod na basket ni Cyrus Baguio bago ang isang 3-pointer at jumper ni LA Tenorio para ibigay sa Alaska ang isang 20-point advantage, 91-71, sa 6:38 ng laro.
“They took this first game, they took it in a kinda deep breath and I know the series will start in Game Two,” sambit ni Cone.
Humakot si Sonny Thoss ng 21 puntos, 11 rebounds, 3 shotblocks at 1 assist para sa Aces kasunod ang 20 marka ni Devance, 19 ni Tenorio at 10 ni Tony Dela Cruz.
“We were step slower than them,” pag-amin ni mentor Jong Uichico sa Gin Kings. “It kinda drained us not only physically but some emotionally.
Tumipa si Caguioa ng game-high 23 puntos para sa Ginebra sa itaas ng 14 ni Sunday Salvacion, tig-8 nina Baguio at Ronald Tubid at 7 ni JC Intal.
Alaska 104 - Thoss 21, DeVance 20, Tenorio 19, Dela Cruz 10, Borboran 8, Hugnatan 8, Fonacier 7, Miller 4, Cariaso 4, Cablay 3, Ferriols 0.
Ginebra 79 - Caguioa 23, Salvacion 14, Tubid 8, Baguio 8, Intal 7, White 6, Wilson 4, Menk 3, Mamaril 2, Villanueva 2, Helterbrand 2, Cruz 0.
Quarterscores: 29-17, 55-35, 78-62, 104-79.
- Latest
- Trending