MANILA, Philippines - Kinumpleto ng San Beda ang sweep sa men’s division sa first round, habang winalis rin ng four-time champion St. Benilde ang women’s side sa 85th NCAA table tennis tournament na idinaos sa Emilio Aguinaldo College Gym.
Napagwagian ng Kurt de Guzman-mentored Lions ang titulo ngayong season matapos na maipanalong lahat ang kanilang walong games na kinabibilangan ng 3-2 decision laban sa Blazers, ang defending champion sa event na ito na suportado ng Andro.
Sa kabilang banda, binokya ng Lady Blazers ang Lionesses, 3-0 na tinampukan ng paninilat ng reigning two-time MVP na si Ayra Malabayabas kay Gloen Abales, 11-5, 11-1, 11-6.
Nakadikit naman ang Letran Lady Squires sa Lady Blazers hawak ang 4-1 (win-loss) record matapos na iposte ang lopsided na panalo laban sa EAC Lady Generals, 3-0, habang tumersera ang Lionesses na may 3-2 marka.
Ibinigay ni Nico Cruz ang krusyal na panalo para sa Lions matapos na ibangon niya ito mula sa first set na pagkakadapa upang pabagsakin si E. Flores ng St. Benilde sa huling reverse singles match, 6-11, 11-8, 11-5, 13-11.
Bunga nito, bumagsak ang Blazers sa ikalawang puwesto katabla ang Knights na tinalo naman ang Mapua Cardinals at ang Perpetual Help Altas taglay ang 3-0 panalo para sa kanilang 6-1 slate.