Kenyans ayaw paawat, Condura run dinomina
MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, ang mga Kenyans ang muling nanguna sa isang 42-kilometer race.
Pinamunuan nina David Kipsang at Peris Poywo ang 2010 Condura Run for the Dolphins of Bohol race kahapon sa Bonifacio Global City sa Taguig City.
Nagsumite si Kipsang, ilang beses nang naghari sa mga marathon events noong 2009, ng tiyempong 2 oras, 38 minuto at 2 segundo upang talunin ang magkapatid na Cresenciano at Elmer Sabal at angkinin ang premyong P60,000.
Sa huling dalawang kilometro, pinilit nina Cresenciano, isang three-time Milo Marathon champion, at Elmer Sabal na makalapit kay Kipsang.
Tinapos ni Elmer Sabal ang karera mula sa kanyang oras na 2:38:05 para sa premyong P40,000 kasunod ang 2:38:40 ni Cresencio Sabal para sa P20,000.
Nagreyna naman si Poywo matapos ilista ang bilis na 3:16:48 kasunod ang kababayang si Susan Chemutai na nagposte ng 3:19:52 at local runner Luisa Raterta na nagrehistro ng 3:20:39.
Hindi naman nakalahok sina Southeast Asian Games gold medal winners Eduardo Buenavista at Jho-An Banayag dahil sa nakatakda nilang pagtakbo sa Hong Kong ngayong buwan.
Sa men’s 21K race, tumipa si Eric Panique ng 1:12:53 upang unahan sina Alquin Bolivar (1:12:54) at Alley Quisay (1:12:55) at iwanan sina 2008 Condura Run champion Rene Herrera at Frank Indapan.
Si Marecil Maquilan naman ang namahala sa women’s 21K sa kanyang tiyempong 1:30:59 kasunod sina Nhea Ann Barcena (1:39:38) at Jacqueline Rohbach (1:44:43). (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending