Giants sa semis
MANILA, Philippines - Matapos kunin ang 2-0 lamang at matalo sa sumunod na dalawang laro, tuluyan nang inangkin ng mga Giants ang karapatang makatagpo ang Beermen sa best-of-seven semifinals series.
Nakahugot ng 13 puntos kay James Yap sa third period at 6 kay Kerby Raymundo sa fourth quarter, tinalo ng Purefoods Tender Juicy Giants ang Rain Or Shine, 95-85, sa Game Five ng kanilang quarterfinals series para sa 2009-2010 PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Tinapos ng Giants ang kanilang best-of-five quarterfinals showdown ng Elasto Painters sa 3-2.
Inangkin ng Purefoods ang Game One, 90-85, at Game Two, 95-94, bago nakatabla sa 2-2 ang Rain Or Shine sa pag-agaw sa Game Three at Game Four, 95-92 at 103-100, ayon sa pagkakasunod.
Bunga ng kanilang panalo, makakatagpo ng Purefoods ang No. 2 San Miguel para sa best-of-seven semifinals wars na magsisimula sa Miyerkules sa Big Dome.
“Sobrang exciting talaga itong (quarterfinals) series namin ng Rain Or Shine. After maka-two-zero kami, nakabalik sila at naitabla sa two-two,” ani James Yap, humakot ng kabuuang 28 marka kasunod ang tig-16 nina Raymundo at Roger Yap at 14 kay Marc Pingris. “Binigyan talaga nila kami ng pressure.”
Mula sa naturang ‘pressure’, pinangunahan ni James Yap ang ratsada ng Giants para iposte ang 50-40 abante sa dulo ng second period bago nakadikit ang Elasto Painters sa pagpinid ng first half, 47-50.
Binanderahang muli ni James Yap, may 4 rebounds, 3 assists at 1 steal, katuwang sina Pingris, Raymundo at Rafi Reavis ang Purefoods sa pagtatala ng isang 16-point lead, 80-64, sa huling 18.8 segundo sa third quarter.
Huling nakalapit ang Rain Or Shine sa 85-91 sa 3:04 ng final canto galing kina Sol Mercado, Gabe Norwood at Jeff Chan.
Isang basket ni James Yap at dalawang freethrows ni Raymundo mula sa foul ni Eddie Laure ang muling naglayo sa Giants sa 95-85 sa 1:37 nito.
“It’s a great relief to finally hurdle Rain Or Shine,” ani head coach Ryan Gregorio sa tropa ni Caloy Garcia. “I always felt that Rain Or Shine is a really, really hard match-up for us. They are bigger than us, younger than us.”
Laban naman sa Beermen ni Siot Tanquingcen, hindi pa nananalo ang Giants sa kanilang dalawang beses na pagtatagpo sa elimination round.
- Latest
- Trending