MANILA, Philippines - Magsasampa ng kaso ang ilang age group swimmers laban kay Philippine Amateur Swimming Association (PASA) president Mark Joseph ukol sa ginagawa nitong ‘threats at harassment’.
Sa kanilang paglahok sa 43rd Sabah Invitational Swimming Meet sa Sabah, Malaysia, nag-email si Joseph sa mga organizers at sinabing hindi miyembro ng PASA ang mga age-group tankers.
Ang mga bagitong manlalangoy ay kabilang sa Aquatic Sports Association of the Philippines (ASAP).
Ang naturang grupo ay inimbitahan ng Sabah Amateur Swimming Association (SASA) para sa kanilang taunang swimming event at sinabihan ni Joseph na maaring mapatawan ng FINA, ang international swimming federation, sakaling palanguyin ang mga ito.
“We don’t know that there’s such a rule. We have been conducting this tournament the last 43 years but nobody ever told us we violated any rule when most our participants are not members of the Malaysian swimming association,” wika ng isang SASA official. Bukod rito, ilang isyu rin ang ibinato ng mga magulang ng age-group swimmers laban kay Joseph.
Ilan sa mga ito ay ang liderato ni Joseph, ang pagpapalit nito sa PASA bilang Philippine Aquatic Sports Association at ang mga hinahanap na P50 milyong public funds, subsidies galing sa FINA, memberships ng mga swimmers, coaches, clubs at iba pang income generating revenues sa huling limang taon.
Isasampa ng grupo ang mga kaso laban kay Joseph sa kanilang mga korte sa Quezon City, Pampanga, Manila, Cavite, Batangas at Zamboanga. (RC)