Donaire hinamon ng rematch ni Darchinyan

MANILA, Philippines - Sapul nang mapa­bag­sak at maagawan ng korona ay hindi pa rin nawawala ang galit ni Armenian Vic “The Raging Bull’ Darchinyan kay Nonito “The Filipino Flash” Do­naire, Jr.

Sa panayam ng FightNews.com kahapon, mu­ling hinamon ni Darchinyan si Donaire para sa isang rematch ngayong taon.

“Donaire needs to stand up and fight someone who can actually throw some punches back at him,” wika ni Darchinyan. “Since he fought me, who has he fought? Bums that either shouldn’t be boxing or should be retired.”

Mula sa isang fifth-round TKO, inagawan ni Donaire si Darchinyan ng mga suot nitong Interna­tional Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight crowns noong Hulyo ng 2007.

Matapos ito, umakyat ng timbang ang 34-anyos ngayong si Darchinyan para angkinin ang World Boxing Association (WBA) at World Boxing Council (WBC) super flyweight titles mula sa ninth-round KO kay Mexican Christian Mijares noong Nobyembre 1, 2008.

Nakatakda namang idepensa ng 27-anyos na si Donaire ang kanyang ha­wak na WBA interim super flyweight belt laban kay Mexican Gerson Guerrero sa Pebrero 13 sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.

Kung mananalo si Do­naire, may 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, kay Gurre­ro (34-8-0, 26 KOs), maa­aring maitakda ang kanyang paghahamon kay Darchinyan (33-2-1, 27 KOs) para sa mga tangan nitong WBA at WBC super flyweight titles. 

Sinabi ni Darchinyan na ipagdarasal niya ang pa­nalo ni Donaire sa 34-anyos na si Guerrero upang matuloy ang kani­lang rematch.

(Russell Cadayona)

Show comments