So, Laylo sasabak sa Aeroflot Open
MANILA, Philippines - Matapos mabigo sa nakaraang 72nd Corus tournament sa Wijk aan Zee sa the Netherlands, sasabak naman si Filipino Grand Master Wesley So sa 2010 Aeroflot Open chess championship.
Nakatakda ang naturang tournament sa Pebrero 9-17 sa Moscow, Russia.
Dumating na sa bansa ang 16-anyos na si So mula sa kanyang kampanya sa 72nd Corus tournament kung saan siya nakatabla sa fourth hanggang fith places.
Nakatakdang magtungo si So kasama si GM Darwin Laylo sa Russia sa Linggo via Hong Kong sa alas-4:40 ng hapon.
“It’s a new challenge for me,” ani So sa kanyang paglahok sa Aeroflot. “It’s like in Corus. Madami ding magagaling at mahuhusay na mga players ang kasali doon sa Aeroflot.”
Sasabak sina So at Laylo sa Category A para sa mga woodpushers na may ELO rating na 2549 pataas.
Nakasabay na rin ni Laylo, ang nagkampeon sa Asian Zone 3.3, si So sa 2009 World Chess Cup sa Khanty-Mansiysk, Russia kung saan gumawa ng ingay ang estudyante ng St. Francis of Assisi.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero “Butch” Pichay kina So at Laylo na makasabay ang dalawa sa mga kalaban.
Maliban sa nakalatag na prize money, may pagkakataon rin ang maghahari sa Aeroflot na maimbitahang maglaro sa bigating Dortmund round-robin tournament.
Noong nakaraang 2009 Aeroflot, tumabla si So sa 17th hanggang 36th places mula sa kanyang 5.0 points sa likod ng tatlong panalo, apat na draw at dalawang talo.
Sa kabila nito, nakuha naman ni So ang top junior award nang makatabla ang mga world junior campaigners na sina GM Eltaj Safarli ng Azerbaijan, GM Sanan Sjugirov ng Russia at IM Ray Robson ng United States.
Ang mga naghari na sa Aeroflot Open mula noong 2002 ay sina Gregory Kaidanov (USA), Viktor Bologan (Moldova), Sergei Rublevsky (Russia), Emil Sutovsky (Israel), Baadur Jobava (Georgia), Evgeny Alekseev (Russia), Ian Nepomniachtchi (Russia) at GM Etienne Bacrot ng France na inaasahang idedepensa ang korona.
- Latest
- Trending