ROS humirit ng panalo sa Purefoods
MANILA, Philippines - Kung nawalis sila sa nakaraang quarterfinal series ng 2008-2009 PBA Philippine Cup, hindi pinayagan ng mga Elasto Painters na mangyari itong muli.
Nakahugot ng apat na krusyal na three-point shots kay Jeff Chan sa second half, tinalo ng Rain Or Shine ang Purefoods Tender Juicy, 95-92, sa Game Three upang makaiwas sa isang ‘sweep’ sa kanilang quarterfinals wars para sa 2009-2010 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Inilapit ng Elasto Painters sa 1-2 ang kanilang best-of-five quarterfinals showdown ng Giants, inangkin ang Game One, 90-85, at Game Two, 95-94, upang itulak sa Game Four ang kanilang upakan bukas sa Big Dome.
Matapos ang 3-pointer ni Mike Hrabak para sa 3-0 lamang ng Rain Or Shine sa pagbubukas ng laro, kumayod ang Purefoods ng 17-2 atake para iposte ang 12-point lead, 17-5, sa 6:53 ng first period.
Sa pagbibida nina Gabe Norwood, Sol Mercado at TY Tang, naitabla ng Elasto Painters ang laro sa 22-22 sa huling 2:09 patungo sa kanilang 37-31 abante sa 6:29 ng second quarter.
Naghulog naman ang Giants ng isang 21-9 bomba, tampok rtio ang anim at limang puntos nina Rafi Reavis at Marc Pingris, ayon sa pagkakasunod, upang iposte ang isang 11-point advantage, 70-59, sa 2:57 ng third period.
Mula sa isinalpak na apat na tres ni Chan, muling inagaw ng Rain or Shine ang unahan, 89-78, sa 3:30 ng final canto hanggang makadikit ang Purefoods sa 90-93 sa natitirang 27.1 segundo galing kina Reavis, James Yap at Roger Yap.
Isang two-handed slam dunk ni Norwood buhat sa mintis na drive ni Chan ang sumelyo sa tagumpay ng Elasto Painters sa nalalabing 4.6 tikada.
“Hinintay ko lang pumasok ‘yung tira ko kasi sabi ni coach (Caloy Garcia) kapag libre ako, tira lang nang tira,” ani Chan, produkto ng Far Eastern University, na nagtala ng 17 puntos mula sa 5-of-11 shooting sa 3-point range para sa Asian Coating franchise.
Matapos magbida sa Games One at Two, may malamyang 0-of-7 clip si James Yap sa 3-point line para sa Giants.
Rain Or Shine 95--Chan 17, Norwod 16, Hrabak 15, Mercado 11, Tang 10, Araña 8, Laure 7, Telan 5, Cruz 4, Reyes 2, Ibañes 0.
Purefoods 92--Canaleta 18, Yap J. 17, Yap R. 17, Artadi 14, Reavis 13, Pingris 9, Fernandez 2, Adducul 1, Allado 1, Timberlake 0, Salvador 0.
Quarterscores: 29-25, 50-49, 68-72, 95-92.
- Latest
- Trending