8 teams paparada sa 28th season ng PBL

MANILA, Philippines - Katulad ng mga nakaraang taon kung saan nalagpasan nila ang kakapusan sa pondo at koponan at pag-akyat ng mga amateur players sa professional league, mananatili pa ring matatag ang Philippine Basketball League (PBL).

Bilang patunay na hindi sila mawawala para sa kanilang pang 28 taon, walong tropa ang paparada sa 2010 PBL season sa Pebrero 16 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

”The PBL has always weathered any crisis that came its way,” ani PBL Commissioner Chino Trinidad kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila. “As long as you see people who want to fuel the league, then the tradition continues.”

Dalawang koponan ang isasabak ng Pascual Laboratories ni team owner Jappy Pascual at ng Asia Brewery ni Bong Tan para sa 2010 PBL PG Flex-UK Derm Open Conference.

Ang mga tropa ni Pascual ay ang Ascof Lagundi at Pharex B Complex na gigiyahan nina coach Carlo Tan at Aboy Castro ng University of the Philippines, ayon sa pagkakasunod.

Muling babanderahan ni Lawrence Chongson ang Cobra Energy Drink ng Asia Bre­wery, habang si Rene Baena a­ng gigiya sa Cossack Vodka.

“As long as we have people who share the common passion of helping Philippine amateur basketball, it’s not impossible to bring back the glory days of the PBL. We will continue with the tradition,” ani Trinidad.

Ang iba pang koponan ay ang Addmix (Leo Austria), Agri Nurture kapartner ang De Ocam­po University (Toto Dojillo), Fern-C (Bal David) at Excel Roof-San Sebastian (Ato Agustin).

Ang mga laro ay gaganapin tuwing Martes, Huwebes at Sa­­bado at mapapanood sa Bas­ketball TV ng Solar Sports sa Channel 71 ng Sky Cable. (Russell Cadayona)

Show comments