Serye tatapusin na ng Giants, Texters
MANILA, Philippines - Dalawang koponan lamang ang nakabalik mula sa isang 0-2 pagkakabaon para angkinin ang kampeonato ng isang serye.
Ito ay ang Grand Slam champions na Crispa laban sa Toyota noong 1975 Third Conference at ang Purefoods Tender Juicy laban sa Alaska sa 1990 Third Conference.
Parehong hawak ngayon ng Purefoods ni Ryan Gregorio at ng nagdedepensang Talk ‘N Text ni Chot Reyes ang malaking 2-0 abante sa best-of-five quarterfinals series ng 2009-2010 PBA Philippine Cup.
Ayon kay Gregorio, kung may bentahe mang hawak ang Giants kontra sa Elasto Painters ni Caloy Garcia ito ay kailangan na lamang nilang manalo ng isa upang makapasok sa best-of-seven semifinals series laban sa naghihintay na San Miguel Beermen ni Siot Tanquingcen.
“The only advantage I see at this point is that we need to win only once and they need thrice,” sabi ni Gregorio. “But until we get that one, it’s far from over.”
Binigo ng Purefoods ang Rain Or Shine sa Game One, 90-85, at sa Game Two, 95-94, para sa kanilang 2-0 lamang sa serye.
Upang talunin ang Giants sa quarters at makaharap ang Beermen sa semis, tatlong laro ang kailangang maipanalo ng Asian Coating franchise.
Sa kabila naman ng isang panalong agwat upang makalaban ang Alaska Aces ni Tim Cone, hindi pa rin nagkukumpiyansa si Reyes kontra sa Ginebra ni Jong Uichico.
“It’s hard to say. I don’t wanna dwell on that. I just wanna make sure that we focus on the task at hand. We wanna treat the game as if it’s almost a do-or-die game,” ani Reyes.
Iginupo ng Tropang Texters ang Gin Kings sa Game One, 107-92, at sa Game Two, 106-105.
We’re not thinking about anything but to play with extreme urgency,” dagdag ni Reyes. “The series score doesn’t matter. It’s going to be 10 times tougher. We just need to be ready. We have to be better, that’s what it takes.”
Sakaling tuluyan nang mawalis ng Talk ‘N Text ang kanilang quarterfinals wars ng Ginebra, isang rematch ang mangyayari sa kanilang semis showdown ng Alaska.
Tinalo ng Tropang Texters ang Aces, 4-3, sa kanilang best-of-seven championship series para sa 2009 PBA Philippine Cup.
Kumpiyansa naman si Uichico na makakahirit pa ang kanyang Gin Kings na kilala sa pagkakaroon ng ‘never-say-die’ spirit.
- Latest
- Trending