POC walang limitasyon sa kriterya para sa Asian Games
MANILA, Philippines - Hanggat maaari ay ayaw maglagay ng limitasyon ang Philippine Olympic Committee (POC) para sa kriteryang gagamitin sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
“Iyong sinasabing criteria, we don’t want to make it absolute,” sabi kahapon ni Chef De Mission Joey Romasanta ng karatedo federation. “Ang sinasabing criteria para sa amin ay ‘yung pagmumulan ng athletes na maaari mong tingnan whether they can be competitive for the Asian Games.”
Nauna nang sinabi ni Philippine Sports Commissioner Eric Loretizo na hindi awtomatikong makakabilang sa delegasyong ilalahok sa 2010 Guangzhou Asiad ang mga atletang kumolekta ng 38 gold, 39 silver at 51 bronze medals sa nakaraang 25tth Southeast Asian Games sa Laos.
Ito naman ay kinatigan ni Romasanta, nakipagpulong na sa mga National Sports Association (NSA)s para sa kanilang programa sa 2010 Asian Games.
“Hindi ‘yan ‘yung kung sino ‘yung napili mo ngayon sa national pool na ‘yan, eh automatic na siya rin ang pupunta sa Asian Games,” sabi ni Romasanta, dating executive director ng Project: Gintong Alay ni Michael Keon.
Noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, kumolekta ang national contingent ng kabuuang apat na gold, anim na silver at siyam na bronze medal parta maging 18th-placer.
Ang apat na gintong medalya ay nanggaling kina boxers Joan Tipon at Violito Payla, wushu artist Rene Catalan at billiards master Antonio “Gaga” Gabica.
Humigit-kumulang sa 50 national athletes lamang ang naunang sinabi ni PSC chairman Harry Angping na kanilang popondohan para sa 2010 Guangzhou Asiad.
Sinabi pa ni Romasanta na kailangan ring ikunsidera ng mga NSAs sa pagrerekomenda ng kanilang mga atleta ang pondong gagamitin. (RCadayona)
- Latest
- Trending