Hindi natin matatarok ang maaaring nadarama ng pamunuan at mga estudyante ng Angeles University Foundation matapos na manatiling guest team ang kanilang eskuwelahan sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) at hindi ma-elevate sa “probationary member” kagaya ng Arellano University at Emilio Aguinaldo College.
Sabay-sabay lang namang tinanggap bilang guest teams ang tatlong ito sa 85th season ng NCAA, hindi ba? Pero noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng NCAA Policy Board na iniaangat na nila sa probationary members ang Chiefs at Generals sa susunod na season bagamat magiging bahagi pa rin ng liga ang Great Danes bilang guest team.
Isang hakbang na lamang ay regular members na ang Arellano University at Emilio Aguinaldo College. Sa kabilang dako’y matatagalan pa bago maabot ng AUF ang estadong iyon. At puwede pa ngang madiskaril sila.
Sa totoo lang, nakakabilib nga itong AUF, eh.
Kasi nga, sila lang ang koponang kalahok sa NCAA na hindi nakabase sa Metro Manila. Pero sinisikap nila na makarating sa playing venue sa takdang oras.
Napakalaking sakripisyo nun ah. Biruin mo’ng halos dalawang oras ang biyahe papunta at pabalik mula Pampanga hanggang Maynila. Ganoong katagal ang ginugugol nila sa travel time. Hindi lang ang mga opisyales ng team at mga manlalaro ang nagsasakripisyo kundi pati na rin ang mga estudyanteng gustong makapanood ng mga games “live” upang masuportahan ang kanilang koponan.
Isipin na lang natin na kapag may game ang Great Danes, bale walong oras ang kanilang ibinubuhos para dito. Kailangan ay swak sa schedule ng mga estudyante ang game. Kailangang pang-umaga silang lahat at tapos na sila sa klase tatlong oras bago magsimula ang laro nila sa NCAA.
Parang isang napakatinding parusa nun!
Pero okay lang sila basta’t masiguradong makakapaglaro sila o masusuportahan nila ang team.
E noong nakaraang season nga, kung tutuusin, kung ikaw ay isang fan ng AUF baka tinamad ka nang manood dahil napagtatalo ang Great Danes at patuloy na nangulelat. Pero nandoon pa rin ang mga estudyante’t lumuluwas pa rin ng Manila upang manood ng games at humiyaw sa San Juan Arena!
Iyan ang tinatawag na dedikasyon.
Siyempre, kinukunsidera din ng NCAA Policy Board ang lahat ng factors na ito.
Malay natin, tinitingnan lang ng Policy Board kung gaano talaga kasidhi ang kagustuhan ng AUF na maging miyembro ng NCAA. Kumbaga’y parang isang malaking pagsubok lang ang pangyayaring hindi kaagad ginawang probationary member ang AUF.
May isang taon pa sila para lalong ma-impress ang NCAA Policy Board. Marahil bukod sa sakripisyo sa biyahe, nais din ng NCAA Policy Board na makitang tunay ngang competitive ang AUF hindi lang sa basketball kundi pati na rin sa mga ibang events.
Kasi nga, kung mananatili silang talunan at kulelat, hindi rin iyon magiging maganda para sa liga.
Gusto rin ng NCAA na maging balanse ang competition!