Trail Blazers nakawala sa Mavericks
DALLAS--Umiskor si Andre Miller ng career-high 52 points, kasama rito ang 25 sa fourth quarter at overtime period, habang isinalpak naman ni Juwan Howard ang isang jumper sa huling 44.8 segundo para itakas ang Portland Trail Blazers sa 114-112 panalo laban sa Dallas Mavericks kahapon.
Sa ikalawang posesyon ng Portland, hindi tumama sa rim ang 15-foot jumper ni Miller.
Sa kabuuan ng laro, tumapos si Miller na may 22-of-31 field goals bukod pa ang 7-of-8 sa foul line.
“I just wanted to stay aggressive,” wika ni Miller. “I didn’t look at as scoring the ball, but just going out and making plays and being the point guard. The shots came and since they were going in, I kept shooting.”
Dalawang puntos lamang ang agwat ni Miller para sa Portland team record na 54 ni Damon Stoudamire.
Tumipa rin si Carmelo Anthony ng Denver Nuggets ng 50-point game laban sa New York Knicks noong Nobyembre 27.
Ang Portland ang siyang umiskor ng huling anim na puntos ng laro, kasama rito ang layup ni Miller na nagtabla sa labanan sa 112-112 sa overtime period kasunod ang 15-foot jumper ni Howard para iwanan ang Dallas sa 114-112.
Umiskor si Dirk Nowitzki ng 28 points para sa Mavericks ngunit naimintis ang kanyang dalawang tira sa huling minuto ng laro.
Sa Orlando, Florida, naglista si Dwight Howard ng 31 puntos at 19 rebounds nang payukurin ng Magic ang Atlanta Hawks, 104-96.
Ang panalong ito ng Magic ang nagdala sa kanila sa unahan sa Southeast Division at sa ikatlong pagkakataon, tinalo ng Orlando ang Atlanta.
Sa Memphis, Tennessee, nagposte si Emeka Okafor ng 21 puntos at nagdagdag naman si Darren Collison ng 17 puntos at career-high 18 assists upang ihatid ang New Orleans Hornets sa 109-102 panalo laban sa Grizzlies sa overtime.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Milwaukee Bucks sa Miami Heat, 95-84 at hiniya ng Washington Wizards ang New York Knicks, 106-96.
- Latest
- Trending