MANILA, Philippines - Mismong ang mga cycling officials na ang dapat maghanap ng solusyon para sa kapakanan ng paglahok ng Pilipinas sa mga international competitions.
Ito ang naging panawagan ni Sen. Pia Cayetano kina cycling chiefs Tagaytay Mayor Abraham Tolentino at Col. Arnold Taberdo.
“I’m not siding with anyone, but this is for the sake of our cyclists. If it’s the leadership that is causing confusion and standing in the way, why not just resign from their post,” ani Cayetano. “Leaders should set aside their personal ambitions for the sake of their athletes.”
Habang si Tolentino ang kinilalang presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ng Union Cycliste International (UCI), si Taberdo naman ang binigyan ng basbas ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Laos, hindi pinirmahan ni Tolentino ang isang endorsement letter ng SEA Games Federation Council para payagan ng UCI na makalahok sina Alfie Catalan, Joey Barba, Eusebio Quinones, Alvin Benoza, Ronald Gorantes, Julius Bonzo, Nilo Estayo at Roberto Querimit.
Ang UCI ang nagbibigay ng lisensya sa mga cyclists.
Limang gintong medalya ang inaasahan sana ni POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. mula sa pagsali ng mga national riders sa 2009 Laos SEA Games.
Para maresolbahan ang krisis sa cycling, hinikayat ni Cayetano si Tolentino na magsakripisyo at bumaba na lamang sa kanyang posisyon bilang PhilCycling head. (Russell Cadayona)