Patriots kakamada uli ng panalo vs Dragons
MANILA, Philippines - Aminado si Philippine Patriots’ head coach Louie Alas na hindi magaang na kalaban ang Kuala Lumpur Dragons.
Ito ay mula na rin sa 59-77 pagyukod ng Patriots sa Dragons sa kanilang huling pagtatagpo kung saan nagbida ang mga Filipino recruits na sina Rudy Lingganay at Rhoel Hugnatan.
“We really had a hard time every time we played against them. For us to beat them, we have to match their intensity and control the boards,” ani Alas.
Nakatakdang sagupain ng Patriots ang bisitang Dragons ngayong alas-4 ng hapon sa Game 1 ng kanilang best-of-three semifinals series para sa ASEAN Basketball League sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Nakuha ng Patriots ang ‘homecourt advantage’ matapos iposte ang 11-4 rekord sa elimination round.
Sa kabila ng kanilang huling kabiguan sa Dragons, may 2-1 bentahe pa rin ang Patriots sa kanilang tatlong engkuwentro.
Tinalo ng Patriots ang Dragons, 73-63, noong Nobyembre 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia at itinala ang 76-70 tagumpay noong Disyembre 19 sa Yñares Sports Center.
Sa nakaraang dalawang panalo ng Patriots, si PBA Best Import Gabe Freeman ang nagbida mula sa kanyang double-double performance.
Sa 87-65 paglampaso ng Patriots sa Brunei Barracudas, humakot ang 6-foot-6 American reinforcement ng 20 puntos at 21 rebounds.
Muling makakatuwang ni Freeman, gumiya sa San Miguel sa paghahari sa nakaraang PBA Fiesta Conference, sina dating Coca-Cola import Jason Dixon, JP Alcaraz, Rob Wainwright, Jerwin Gaco, Nonoy Baclao at Elmer Espiritu.
Ipaparada naman ng Dragons sina Lingganay, Hugnatan, Toto Bandaying at sina Cameroonian import Chris Kuete at American slotman Jamal Brown. (RCadayona)
- Latest
- Trending