Hindi pala si Gabe Norwood ang take-charge guy ng Rain Or Shine.
Si Solomon Mercado pala!
Iyan ay very much evident sa nakaraang wildcard phase ng KFC PBA Philippine Cup kung saan nagtagumpay ang Elasto Painters sa dalawang knockout games upang makausad sa best-of-five quarterfinals kontra sa Purefoods Tender Juicy Giants.
Matapos na magposte ng 4-14 record sa double round eliminations ay pinatalsik ng Rain Or Shine ang Sta. Lucia Realty sa pamamagitan ng 90-86 panalo sa umpisa ng wildcard phase. Ito’y sa kabila ng pangyayaring ang Realtors ay may 10-8 record sa elims.
Sa larong ito, si Mercado ay nagtala ng 18 puntos, pitong rebounds, apat na assists at isang blocked shot sa 37 minuto.
Isinunod ng Elasto Painters ang Coca-Cola Tigers sa mas convincing na 99-84 na panalo noong Miyerkules upang manatiling buhay sa torneo. Muli ay naging topscorer si Mercado na gumawa ng 25 puntos bukod sa walong assists at dalawang steals.
Hindi naman natin sinasabing balewala ang performance ni Norwood. Consistent naman ang kanyang mga numero. Pero kapag maganda ang laro ni Mercado, mas matingkad ang tsansang magwagi ang Rain Or Shine.
Kasi nga, mataas masyado ang expectations ng lahat kay Norwood nang siya ang kunin ng Rain Or Shine bilang top pick ng 2008-09 Draft. Naglaro siya sa national team at matindi ang kanyang credentials. Pero hindi talaga siya go-to guy maski noong nasa George Mason University siya. Parang role player lang siya. Exciting siyang panoorin pero hindi siya go-to guy.
Maswerte ang Rain Or Shine at nakuha nila si Mercado buhat sa Alasa Milk. Magugunitang sa draft day pa lang ay ipinamigay ng Elasto Painters sa Aces si Joe Devance kapalit nina Mercado at beteranong si Eddie Laure.
Sa umpisa ay maraming nagsabing tila hindi maganda ang trade na iyon dahil sa si Devance ay malaki at puwedeng maging future din ng Elasto Painters sa gitna. Pero mayroon na nga silang Jay-R Reyes na siyang main man sa shaded area. Kaya ang kailangan nila ay isang point guard na matatag. Si Reyes ang sentro, si Norwood ang forward at si Mercado ang point guard. Tatlong batang manlalaro sa tatlong key positions.
At ang tunay na susi pala ay si Mercado.
Na tama lang.
Kasi nga, ang pointguard ang itinuturing na extension ng head coach sa hardcourt. Kung ano ang gustong mangyari ng coach, yun ang pilit isinasakatuparan ng pointguard.
Tunay ngang si Mercado ang “soul” ng Rain Or Shine.