WIJK AAN ZEE, Netherlands -- Ang magiging resulta ng laban nina Filipino Grandmaster Wesley So at GM Anish Giri ng Netherlands sa 11th round ang magdedetermina kung sino ang magkakampeon sa Group B sa 72nd Corus chess tournament dito sa De Moriaan Community Centre.
Hahawakan ni So, matagumpay na nanguna sa Group C noong nakaraang taon, ang puting piyesa para sa pang limang pagkakataon sa naturang 13-round tournament.
Ang tagumpay ng 16-anyos na si So laban naman sa 15-anyos na si Giri ang magbibigay sa kanya ng liderato patungo sa huling tatlong rounds ng torneo.
Posible rin siyang makatabla depende sa magiging labanan nina GM Ni Hua ng China at GM Erwin l’ Ami ng Netherlands.
Haharapin ni Ni si GM Pentala Harikrisha, samantalang makakatapat naman ni l’ Ami si IM Anna Muzychuk ng Slovenia sa isa pang laban.
“Wesley has a very good chance of beating Giri, especially he is playing white,” wika ni Filipino GM Rogelio Antonio Jr., tumulong kay So para sa 2009 World Chess Cup sa Khanty-Mansiysk, Russia noong Disyembre.
“Maganda ang nilalaro talaga ngayon ni Wesley, including his pacing. And Giri is also at a disadvantage coming off that ninth-round upset loss to Muzychuk,” dagdag ni Antonio.