Ultimatum ng WBC kay Mayol, idepensa ang titulo
MANILA, Philippines - Wala nang ibang magagawa si Filipino world super flyweight champion Rodel “Batang Mandaue” Mayol kundi ang idepensa ang kanyang korona sa Pebrero 27 sa Mexico City.
Ito ay bunga na rin ng pagbibigay ng World Boxing Council (WBC) ng ‘ultimatum’ para sa kanyang mandatory title defense laban kay Mexican challenger Omar Nino Romero.
Iginiit ni Mexican promoter Fauto Daniel Garcia sa WBC na sundin ng kampo ni Mayol ang kanilang kontratang nilagdaan bago agawin ng tubong Mandaue ang super flyweight crown kay Mexican Edgar Sosa via second-round TKO noong Nobyembre 21 sa Mexico.
Nagbanta ang WBC na tatanggalin kay Mayol ang kanyang korona kung hindi susundin ang kanilang napagkasunduan ni Garcia.
Sinabi naman ng 28-anyos na si Mayol na handa siyang idepensa ang suot niyang WBC super flyweight belt laban sa 33-anyos na si Romero, inagawan ng titulo si Brian “The Hawaiian Punch” Viloria via unanimous decision noong Agosto 10, 2006.
Sa kanilang rematch ni Viloria noong Nobyembre 18, 2006, inalisan ng WBC ng korona si Romero bunga ng paggamit nito ng ‘banned substance’.
Kasalukuyang dala ni Mayol ang 26-4-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, samantalang taglay naman ni Romero, nagmula sa isang technical decision kay Filipino Juanito Rubillar noong Hunyo 6, 2009, ang 28-3-1 (11 KOs) slate.
“I am very motivated, mainly because my Promoter Hector Garcia has just told me that Mayol will be ready to fight me on the agreed date,” ani Romero sa panayam ng FightNews.com.
Hangad ni Romero na maiganti ang kababayang si Sosa at maagaw kay Mayol ang hawak nitong WBC super flyweight belt. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending